Smuggling pa rin ang problema

DALAWAMPU’T LIMANG kotse at 15 motorsiklo ang natagpuan sa Bukidnon at Cagayan de Oro. Kapuna-puna ang isang motorsiklo na pasadyang ginawa ng isang sikat na kompanya, na pag-aari pala ng isang sikat naman na manunulat ng pelikula sa Amerika. Ang kakaibang motorsiklo, na nagkakahalaga ng P3.5 milyon ay pag-aari ni Skip Woods, na sumulat ng mga pelikulang Swordfish, G.I. Joe, X-Men Origins: Wolverine at A-Team! Nanakaw ang kanyang motorsiklo sa Houston, Texas. Akalain mong dito matatagpuan ang motorsiklo. Kumpirmado rin na isa sa mga kotse ay nakaw din sa Amerika. Kung paano umabot sa Pilipinas, sa Mindanao ang mga sasakyan ang iniimbestigahan ngayon.

Ang dalawang magkaibang lugar na ni-raid ng NBI ay tumuturo lang sa isang tao, na kilala sa Bukidnon na negosyante ng motorsiklo. Mahilig din daw sa motorsiklo, at may nakakitang sakay-sakay ang kakaibang motorsiklo ni Woods. Tila nadiskubre ng mga otoridad ang isang smuggling operations sa Mindanao, kung saan mga nakaw na sasakyan mula sa ibang bansa ay dito binabagsak, at kung makakalusot, ibebenta. Sa kaso ng motorsiklo, baka planong itago na lang. Hindi raw alam kung paano pinasok ang mga sasakyan dahil wala raw record ang sinumang ahensiya ukol sa mga sasakyan. Siyempre!

Anong paliwanag ang mabibigay sa mga sasakyan, lalo na sa motorsiklo? At hindi na dapat magtaka ang mga otoridad kung paano naipasok ang mga sasakyan. Nasa Mindanao, kung saan tila wala namang batas na umiiral kundi kaninong batas ang dapat sundan! Paano mailalabas sa kalye ang ganyan kamahal at kakaibang motorsiklo, na siguradong mapapansin, kung walang malakas na kapit sa umiiral na pinuno ng lugar? Nakakainsulto naman. Nandyan na lahat ng ebidensiya na may sindikato, o isang tao na sangkot sa big-time na smuggling at pagbebenta ng nakaw na sasakyan. Pati na rin pagbebenta ng baril sa mga maimpluwensiyang pamilya sa Mindanao. Nakakanegosyo ng ganyan dahil puro maimpluwensiya at mayayaman na angkan ang mga kliyente! Kaya hati ang opinyon ng mga sumagot sa aming tanong kung makukulong ba ang mga smuggler na ito. Maliit pa lang ako, smuggling na ang problema ng bansa. Ngayon, smuggling pa rin.

Show comments