ITO ay istorya nina Pepe at si Naty na nagsama bilang mag-asawa na walang basbas ng kasal.
Walang naging anak sina Pepe at Naty pero marami silang naipundar na ari-arian. Nagkaroon ng malubhang sakit si Naty noong panahon ng giyera. Dalawang madre ang nagmalasakit na dalawin siya at hinimok na mangumpisal. Tinawag ang isang pari ng simbahang Katoliko.
Ang pari nang malaman na nagsasama sina Naty at Pepe na walang basbas ng sakramento ng kasal ay nagpayo sa dalawa na baguhin ang kanilang pagsasama at magpakasal na. Pumayag naman ang dalawa.
Nang makitang grabe na ang kondisyon ni Naty at maaari siyang mamatay anumang oras, pinagkumpisal ng pari ang babae, pinatawad sa kasalanan, binigyan ng komunyon, at pinahiran ng langis para sa maysakit. Pagkatapos ay ikinasal niya ang dalawa. Ang mga madre ang tumayong testigo sa kasal.
Sa kasamaang-palad, sa gitna ng kaguluhan sa buong kamaynilaan dahil giyera, hindi nakapagpadala ang pari ng kopya ng kasamiyento ng kasal sa lokal na Civil Registrar o kahit naiparehistro man lamang ang “Record of Marriages”.
Matapos ang isang taon, namatay si Naty. Matapos siyang mamatay ay naghabol ang mga anak ng kapatid niyang babae at sinasabing sila ang tagapagmana ni Naty. Si Pepe raw ay hindi tagapagmana dahil hindi naman siya legal na asawa kasi raw ay walang maipakitang kontrata ng kasal na pinirmahan o kaya ay nairehistro man lamang. Tama ba sila?
MALI. Hindi sapat na basehan na walang napirmahang kontrata upang sabihin na walang bisa ang isang kasal. Ang kondisyones na pinakaimportante sa lahat ay ang kapasidad ng dalawang tao na magpakasal at ang pagpayag nila sa kasal. Ang pagpayag ay ipinapakita sa deklarasyon ng dalawang tao sa harap ng magkakasal sa kanila na tinatanggap nila ang isa’t isa bilang asawa. Totoo naman na nangyari ito.
Ang pagpirma ng kontrata ng kasal ay isang pormalidad lamang at hinihingi lang bilang ebidensiya ng kasal. Kung wala man ito ay hindi ibig sabihin na mapapawalambisa na ang kasal. Kahit hindi pa nakagawa ng affidavit ang pari patungkol sa kasal na nag-aagaw buhay na ang ikinasal at hindi pa niya ito naiparehistro ay hindi pa rin ito sapat upang mapawalambisa ang kasal.
Ayon sa batas (Art. 952 Civil Code), si Pepe, bilang biyudo ni Naty ay mas may karapatan sa mga ari-arian na iniwan ng babae kung wala rin lang itong nabubuhay na mga kapatid na tagapagmana. Ito ang desisyon sa kasong De Loria vs. Felix (104 Phil. 1).