Umento sa sahod ng mga manggagawa
KAILANGAN ang masusing pag-aaral para sa dagdag na sahod at benepisyo ng mga manggagawa, sa harap ng pahayag ng mga employer na nahihirapan sila sa mataas na gastusin sa operasyon ng negosyo. Ito ang napag-usapan namin ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Makatuwiran ang paghiling ng mga manggagawa ng dagdag na suweldo at benepisyo laluna nga’t malaking kabigatan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo at pangunahing pangangailangan. Libu-libo rin na OFW ang nagkaproblema kundi man tuluyan nang nawalan ng hanapbuhay dahil sa nangyaring kalamidad at kaguluhan sa bansang kanilang pinagtatrabahuhan.
Sa kabilang banda, iginigiit naman ng mga employer na hindi pa sila ganap na nakababawi mula sa naganap ding mga kalamidad at paghina ng ekonomiya sa ating bansa, at nadagdagan pa nga ito ng sunud-sunod na oil price hikes.
Sa gitna ng usaping ito ay mismong si President Noynoy Aquino ang nagsabing kakayanin ng mga employer na magbigay ng umento sa sahod at benepisyo bagamat hindi ito katumbas ng halagang hinihingi ng mga manggagawa.
Ang Kilusang Mayo Uno (KMU) ay naggigiit ng P125 daily wage increase, ang Partido ng Manggagawa (PM) ay P50 ang hinihiling, habang ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ay nananawagan para sa P75 increase.
Iginiit ng presidente na kailangang ibalanse ang interes at kapakanan ng kapwa manggagawa at employer pati rin ang epekto nito sa ekonomiya ng bansa.
- Latest
- Trending