Chemical weapon ban dapat ipatupad
NAKAALERTO ang administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino sa posibleng pagresbak ng mga panatikong galamay ni bin Laden na napatay ng mga operatibang Kano nung isang linggo. Inatasan ni P-Noy ang Anti-Terrorism Council (ATC) na mahigpit na ipatupad ang pagbabawal sa chemical weapons bilang pagtalima sa pagsang-ayon ng Pilipinas sa isang kasunduan hinggil sa international arms control.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. ang Executive Order No. 39 ng Pangulo ay pagtalima sa kasunduan ng mga bansa sa Chemical Weapons Convention (CWC) noong 1992. Sa kasunduang ito ay mahigpit na ibinawal ang paggawa, pag-iimbak, at paggamit ng anumang uri ng chemical weapon. Si Ochoa ang namumuno sa ATC.
Ang mga bansang lumagda sa kasunduan ay obligadong magtatatag ng “National Authority” na makikipag-ugnayan sa Organization for the Prohibition of Chemical Weapons (OPCW) na nakabase sa Netherlands.
Bago inilabas ang EO 39, ang Department of Foreign Affairs ang nagsisilbing Philippine National Authority (PNA) sa CWC.
Sa bagong atas ng Pangulo ang ATC ay tatawagin nang PNA-CWC. Hindi lamang ito magiging tagapag-ugnay para sa OPCW kundi ahensiya na responsible sa pagpapatupad ng kasunduan.
Si Ochoa ang magiging chairman ng PNA-CWC at ang ATC-Program Management Center ang magiging Secre-
tariat ng PNA-CWC. Ang PNA-CWC ay awtorisadong magtatag ng subcomittees na kakailanganin para higit na magampanan ang tungkulin at magsisilbing grupo ng mga dalubhasa. Maaaring hilingin ng PNA-CWC sa alinmang ahensiya ng gobyerno na tulungan ang Secretariat.
Inaatasan din ng EO 39 ang lahat ng kagawaran, mga kawanihan, tanggapan, ahensiya, at instrumentalidad ng pamahalaan, kasama ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng pamahalaan, pati mga institusyong pinansiyal ng gobyerno na tumulong sa Secretariat ng PNA-CWC tungo sa matagumpay na pagtupad ng mga tungkulin nito.
Inilaan sa PNA-CWC ang P5 milyon na kukunin sa contingent fund ng Office of the President. Ang susunod na pondo ng PNA-CWC at ng Secretariat ay isasama sa taunang badyet ng ATC.
- Latest
- Trending