5 malimit na pinagsisisihan
LINYA ni Bronnie Ware ang palliative care. Pinagagaan niya ang hirap ng mga naghihingalo sa malubhang sakit. Sinasamahan niya sila sa huling tatlo hanggang 12 linggo ng buhay. Sa mga sharing, nagbabago ang emosyon ng mga nasa bingit ng kamatayan. Una, pagtanggi, tapos takot, galit, pagsisisi, at sa huli pagtanggap. Natagpuan ng bawat pasyente ang kapayapaan bago pumanaw. Pare-pareho ang sagot nila nang tanungin ni Ware kung merong pinagsisisihan sa buhay o sana ay may ibang ginawa:
1. “Sana nagkalakas-loob ako maging totoo sa sarili, imbis na umayon sa inasahan ng iba sa akin.” Kapag nagbalik-tanaw sa lumipas ang paupos na tao, nakikita niya agad ang mga naudlot na pangarap. Kalimitan ito’y dahil hindi sinikap makamit ang nais, o iba ang mga piniling landas. Mahalaga na habang kaya ng katawan ay pilitin matupad ang nais.
2. “Sana hindi ako nagpaka-sobrang trabaho.” Wika ito ng maraming lalaking pasyente. Hindi nila na-enjoy ang paglaki ng mga anak, o piling ng asawa. Payo nila: simplehan ang buhay para sumapat ang kinikita.
3. “Sana nagkalakas-loob ako bigkasin ang saloobin.” Marami sa atin ang nagpipigil-damdamin, para wala na lang gulo sa iba. Lumulungkot lang tayo, at nagkakasakit dahil sa kinikimkim na ngitngit.
4. “Sana naipag-patuloy ko ang lahat ng pagkakaibigan.” Sa mga huling araw sa mundo nababatid ang kahalagahan ng matatalik na kaibigan. Pero maaring gahol na sa panahon para hanapin sila.
5. “Sana hinayaan ko ang sarili magpakasaya.” Huli na nang mabatid na ang kaligayahan ay desisyon ng sarili at di ng iba. Magpakasaya —hindi sa pagkamit ng kung ano ang wala, kundi sa pagtanggap ng kung ano lang ang meron.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending