ISANG magandang presidential decree ni Ferdinand Marcos ang PD 705, ang Revised Forestry Reform Code, inilahad nu’ng Mayo 1975. Tinuring nito na forest reserve lahat ng lupa na may 18% slope (10.2 degrees) pataas, kaya hindi maaring bahayan o minahin. Sakop nito ang mga tabing burol, bundok at bangin. Gayundin, tinuring na gubat ang mga lupaing hindi bababa sa 250 ektarya na malayo o walang kadikit na bahayan o minahan. Gubat din ang tig-25 metro sa magkabilang pampang ng ilog, at 20 metro ng mangrove at swamp lands mula sa lawa o dagat. Pati ito bawal patayuan ng bahay o minahan. Exempted lang ang mga lupang natitulohan na bago ilabas ang decree.
Kung susunurin ang decree, mahigit kalahati ng Pilipinas ay gubat. Kalahati lang ang maaring gawing taniman, bahayan, lote ng pabrika, minahan, airports, piers, kalsada. Dalawa ang pakay ng decree. Una, ilaan sa gubat ang mga puno at hayop na makakain, at para malinis ang hangin. Ikalawa, iligtas ang mga tao mula sa kapahamakan, tulad ng mudslides o tsunami.
Kung sinusunod ang decree, hindi sana nangyari ang trahedya sa Pantukan, Compostela Valley, kung saan pitong maliliit na minero ang nakulong at namatay sa tunnel na gumuho nu’ng Biyernes Santo. Bawal ang minahan doon dahil mahigit 18% slope ang lugar. Kung sinusunod ang batas, hindi dapat nanga-daganan ng putik at nasawi ang daan-daan taga-Ginsaugon, Southern Leyte, at Cherry Hills, Antipolo City, dahil bawal nga ang bahayan sa mahigit 18% slope na lupa. Kung sinusubod sana ang batas, hindi sana tinatangay ng baha o malalaking alon ang mga barong-barong sa tabing ilog at dagat kapag bumabagyo.
Dept. of Environment and Natural Resources, kailangang gumising.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com