MARAMING squatters sa Metro Manila. Kung saan, may bakanteng lugar naroon sila. Hanggang sa dumami nang dumami. At sa dakong huli ayaw na nilang umalis. Kahit may ini-ooffer ang pamahalaan sa kanila na sariling lupa at cash na magagamit para ipambili ng gamit pampagawa ng bahay, tinatanggihan nila. Katwiran nila ay malayo ang ibinibigay na lupa at wala silang pagkakakitaan. Malayo rin umano sa school para sa kanilang mga anak. Wala raw tubig at kuryente. Maraming reklamo ang squatters.
Pero hindi lahat ay lumalaban. Marami rin ang gustong magkaroon ng pagbabago ang kanilang buhay. Maraming may gusto na magkaroon sila ng sariling bahay at lupa. Maraming may gusto na magkaroon nang maayos na tahanan at pamilya.
Katulad ng mga pamilyang pumayag na umalis sa squatters area sa Agham Road, malapit sa Trinoma Mall na ilang beses ding nilamon ng apoy. May inihanda sa kanilang relokasyon sa San Jose del Monte, Bulacan. Bukod sa lupang kaloob ng gobyerno ay binigyan pa sila ng cash assistance para pampagawa ng bahay. Inihatid pa sila ng truck. Sa kasalukuyan, maayos na ang pamumuhay ng mga pamilyang nasa San Jose del Monte. Nagkaroon ng pagbabago sa kanilang buhay.
Ganyan din naman ang nangyari sa mga pamil-yang nasa tabi ng riles. Marami rin ang pumayag sa alok na relokasyon. Maayos na ang kanilang tirahan sa isang bayan sa Laguna.
Kabaliktaran naman ang mga residente nang nasunog na Laperal Compound sa Guadalupe Viejo na ayaw umalis kahit na may offer ang Makati City government na lupa sa Calauan, Laguna. Nagmamatigas ang mga residente at lumalaban sa mga pulis. Kahapon, maraming nasugatan nang magkagulo. Pati TV reporter ay tinamaan ng bote sa ulo.
Binibigyan na sila ng pagkakataong magkaroon ng sariling lupa pero tinatanggihan nila. Ayaw nilang magkaroon ng pagbabago at maisaayos ang buhay. Sayang na sayang ang pagkakataon.