Habang tumatanda tao’y nagbabago
At ito’y natural sa lahat sa mundo;
Hindi na malayo sa buhay kong ito –
Mga dating gawi ay biglang naglaho!
Sa Oktubre 8 ngayong taong 2011
73 years old na ang buhay na angkin;
Bagama’t masigla ang diwa’t damdamin
Di na mapuntahan ang gustong marating!
Kung Semana Santa noong ako’y bata
Kasama ni Ina sa bawa’t pagsimba;
Subali’t sa ngayon parang nag-iba na
Sa bahay na lamang magdasal mag-isa!
Kung Easter Egg Hunt sa kapilyang marmol –
Kaming kabataa’y pawang naroroon;
At kung Biyernes Santo – mahabang prusisyon
Nagtutulak ako sa patay na Poon!
Nagpipinentensiya’t bundok na akyatin –
Nanonood kami at umaakyat din;
Bisita Iglesya – malayong lakbayin
Sa mga religious ako’y kasama rin!
Muling Pagkabuhay, laging may Salubong –
Maagang gigising at magpuprusisyon
Mga batang anghel umaawit noon –
Sa Mag-inang Banal bulaklak ang saboy!
Ang lahat nang ito’y aking naranasan
Pagka’t ang religion pamana ni Inang;
Ngayong wala siya’t tumanda ang gulang
Pati ang magsimba’y bihira na lamang!
Sa ngayo’y okey pa ang isip at puso
Saka malakas pa katawan at luho;
Subali’t sa ngayon ay hindi matanto –
Kung bakit iba na’t malayo sa tukso!
Manood ng sine at mga pasyalan
Sa ilog at dagat ay nagtatampisaw;
Subali’t sa ngayon ang hangad na lamang
Magsulat ng tula at magbantay-bahay!