KAHIT matigas na tumututol ang Simbahang Katoliko sa kontrobersyal na RH-Bill, dapat suportahan si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III sa pagsusulong ng panukalang batas. Saludo ako sa tapang ng Pangulo. Handang matiwalag sa pagka-Katoliko sa pakikipaglaban para maging batas ang RH bill.
Kung Pangulo ka, paano mo matitiis ang maraming Pilipinong nagugutom dahil sa kamangmangan sa responsableng pagpapamilya? Kung tutuusin, mga kaparian lang at ka-obispuhan ang tumututol sa Family Planning. Mayroon ding mga Katoliko ang tumututol pero marami rin sa kanila ang pabor sa RH Bill dahil apektado ng hirap ng kabuhayan. Isa pa, kahit mayorya sa bansa ang Katoliko, si P-Noy ay Presidente ng lahat ng Pilipino ano man ang pananampalataya, protestante man, Muslim, Budhist at iba pa.
Magtungo ka sa mga depressed areas at naririyan ang pabrika ng mga bata. Mga batang gusgusin at patpatin dahil mahirap ang mga magulang. Mga batang nagpapalimos sa kalye. Nakalulungkot na maraming mga bata ang nabibilanggo sa murang gulang dahil nadadawit na sa maliliit at maging sa seryosong krimen.
Itigil na sana ng mga kritiko ang walang basehan at di makatotohanang bintang na ang contraception ay isang uri ng abortion. Sa totoo lang, maraming kaso ng abortion dahil sa tinatawag na “unwanted pregnancies” na hindi naman mapigilan ng Simbahan. Ipaubaya na lang sa gobyerno ang pagtupad sa tungkulin nitong mailagay sa ayos ang takbo ng ekonomiya na nahahadla-ngan ng lumolobong populasyon sa bansa.
Lalong karumaldumal na kasalanan kung hahayaan na lamang ng pamahalaan na maghirap ang maraming Pinoy dahil sa kawalan ng tamang kaalaman na planuhin ang laki ng pamilya at kung papaano haharapin ang psy chological at financial concerns ng pagiging mga magulang? Mabuti at mayroon tayong isang matapang at prinsipyadong lider katulad ni Pangulong Aquino na nakahandang ma parusahan ng Simbahan dahil sa kanyang paninindigan pabor sa RH bill. Hinahangaan ko ang determinasyon ng Pangulo na sumuong sa balag ng alanganin upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang mga pamilyang Pilipino.