NASUNGKIT ng pinagsanib na puersa ng PNP-CIDG at Rizal PNP ang ‘hitman’ ni BIR Regional Director Layno Yap, matapos itong ituro at makuha sa pinagtataguan niyang lungga sa Antipolo Rizal.
Sabi nga, kapalit ng pera.
Ika nga, may nag-Hudas!
Sa pagkaka-sungkit kay Armando Cariño, alias Manding, hitman ni Layno, masasabing isang malaking ginhawa sa pamilya ng biktima ang pagkakahuli dito dahil baka ikanta at ituro ng kamote ang ‘mastermind’ na umupa para patayin ang pobreng alindahaw.
Saludo ang mga kuwago ng ORA MISMO, kay CIDG bossing Sammy Pagdilao mabilis niyang nakuha sa lungga ng mga daga este mali lugar ng pinagtataguan pala si Manding.
Alam ng mga kuwago ng ORA MISMO, kung paano mag-operate si Sammy hindi niya tinatantanan ang mga ganitong klaseng case problem.
Naniniwala ang mga kuwago ng ORA MISMO, sa lalong madaling panahon ihaharap ni Sammy ang mastermind sa pamilya ni Layno.
Sabi nga, sana!
Kaya ang payo ng mga kuwago ng ORA MISMO, sa pamilya at mga Kuyang ni Layno maghintay-hintay lang.
Ika nga, huwag maiinip!
Last February 17 in the morning binaril si Layno ni Manding at close range ayon sa mga eye witness limang tama ng bala ang tumama sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan kaya ito ang dahilan para kunin siya ng maaga ni Lord.
Ayon sa mga asset ng mga kuwago ng ORA MISMO, kanta na lang ni Manding ang kailangan para makuha ang ‘mastermind.’
Abangan.
Colorum at car smuggling
LTO lang ang aayos
HINDI na kailangan ng kung anu-ano pang mga pangontra para masawata ang colorum at car smuggling sa Philippines my Philippines basta i-ayos lang ng LTO ang kanilang trabaho at huwag makipagsabwatan sa mga sindikato, presto wala ng case problem.
Basta maging tapat lang sa tungkulin ang mga taga - LTO tiyak walang sakit ng ulo.
Bakit?
Sila ang nagbibigay ng mga clearance ng lahat ng uri ng mga sasakyan imported man o local manufacture taga-isyu ng mga plate at sticker number at ang pinaka-important sa lahat sa opisina nila nire-rehistro ang mga sasakyan.
Sabi nga, brand new o 2nd hand vehicle!
At kung matindi ang problema ngayon sa carnapping siguro panahon na para mag-coordinate ang LTO, PNP at maging MMDA para may visibility ang mga ito sa kalye.
Ika nga, umulan man o umaraw, mapa-umaga o gabi dapat visible sila sa madlang people upang maiwasan ang mga problema sa lansangan.
Abangan.