SA mga nakapagtayo na ng sarili nilang mga bahay, maging maliit o malaki, townhouse o mansyon, alam nila na ang pinaka-magastos ay ang banyo. Lahat ng kagamitan, kahit mga simple lang, ay mahal. At para sa marami, mahalaga na laging malinis ang banyo. Sa totoo nga, nahuhusgahan ang isang lugar, negosyo o establisimento sa linis at ganda ng mga banyo nito. Kapag malinis, siguradong babalikan at pupurihin ang lugar. Lalo na sa mga restaurant. Kapag malinis ang banyo, parang sinasabi na rin na malinis ang lahat ng kanilang kagamitan at lugar. Kapag marumi, parang ayaw mo nang bumalik, di ba? At alam ng lahat kung gaano kaganda ang mga banyo ng mga magagandang hotel sa Maynila. Mas magaganda pa kaysa sa banyo ng maraming bahay!
At sa banyo nga malamang nahusgahan ang NAIA na nabotong pinaka-masama sa Asya at panlimang pinaka-masama sa buong mundo! Sino ba naman ang may gusto ng banyong walang tubig, hindi gumaganang mga inidoro, walang sabon at tisyu! Sino ang gustong pumasok sa banyo na may laman ang inidoro, diyos ko po! O kaya’y maputik na sahig at maruming lababo! Wala, di ba? Napakahirap naman talaga manatili ng malinis ang pampublikong palikuran sa Pilipinas. Sa gusto mo ngang panatilihing malinis ang banyo, marami rin ang hindi marunong gumamit nito nang maayos! Alam na natin kung ano ang pinag-uusapan ko di ba? Mga ayaw mag-flush, mga ayaw magtapon ng mga basura nang maayos, lahat na! Pero dahil sa batikos na tinanggap ng NAIA, nangako ang kasalukuyang opisyal na aayusin at pagagandahin ang lahat ng banyo sa tatlong terminal ng NAIA sa loob ng tatlong buwan, lalo na ang mga banyo sa Terminal I. Sisiguraduhing may tumatakbong tubig, maayos ang lahat ng kagamitan, at laging may sabon at tisyu. Hindi lang dapat ayusin, kundi laging bantayan at linisin, katulad ng mga banyo sa mga paliparan na nasa numero unong puwesto sa kalinisan katulad ng Hong Kong at Singapore. Banyo pa lang sa airport, parang banyo na ng ibang hotel sa Pilipinas! Kung magagawa nila sa NAIA Terminal I ito, bibilib ako sa kasalukuyang pamumuno ng airport. Para matanggal na rin tayo sa masamang listahan na iyan!
Pero tandaan, hindi lang mga masasamang banyo ang dahilan kung bakit nalagay ang NAIA sa masamang listahan. May mga iba pang dahilan na sana bigyan na rin ng tugon ng mga opisyal. Total, daanglibong piso ang nasisingil sa mga pasahero araw-araw (P750 kada pasahero).