EDITORYAL - Isa sa pinaka-worst na airport sa Asia
ANG airport ang unang nakikita ng mga taong bumibisita sa isang bansa kung magtatravel by air. Kaya ang airport ay masasabing salamin ng isang bansa. Dito nagre-reflect kung anong uri ang bansang dinalaw. Kaya ang sinumang banyaga na nakarating na sa Pilipinas sa pamamagitan ng eroplano ay nakita na kung gaano kapangit ang Ninoy Aquino International Airport. Kakahiya! Kahit mismong ang mga balikbayang Pinoy ay gustong masuka kapag nakikita ang anyo ng NAIA. Naikukumpara sa bawat airport na kanilang narating ang kawawang NAIA.
Huwag nang pansinin ang mga bulok na ginagamit sa pag-x-ray ng mga bagahe, ang mga tray na pinaglalagyan ng gamit, at ang mga push cart dahil mapapasensiyahan ang mga ito, pero ang grabeng nakakahiya ay ang mabahong comfort room na nanggigitata. Saan ka naman nakakita na ang CR sa airport ay walang tubig. Yak! Pagpasok sa CR ang masasamyo ay ang panghi. Sa ibang airport, ang masasamyo sa pagpasok sa CR ay mabangung-mabango, fresh na fresh, at talaga namang masisiyahan kang umupo sa inidoro at namnamin ang busilak na kalinisan. Ni walang nanggigitatang lababo at mga basag na salamin. Maryusep!
Maski ang CR sa parking areas ay bulok na bulok. Pagpasok sa CR ng lalaki, mabubungaran agad ang tila nilulumot na bagsakan ng ihi. Nagkalat din ang mga dura. Halatang walang naglilinis o kung may naglilinis man, maaaring tinatamad dahil sobrang dumi nga. Yakis! Bawat mag-park, maghahatid o susundo ay nagbabayad. Saan kaya napupunta ang binabayad at ang CR ay hindi man lang nila maipalinis.
Hindi na nakapagtataka kung ang NAIA ay isa sa 10 pinakapangit na airport sa mundo. Sa Asia, sinasabing pinakapangit umano ang NAIA. Nakakaawa at nakakahiya! Bawat umaalis na pasahero ay nagbabayad naman ng terminal fee pero saan din kaya ito napupunta.
Paano makakaakit ng mga dayuhan kung ang airport ay hindi kayang ayusin? Sa airport pa lamang ay bagsak na paano sa iba pa. Kahapon, sinabi ng NAIA officials na aayusin na raw ang mga toilet sa Terminal I. Magkakaroon na raw ng tubig, sabon at tissue paper. Sana nga ay totoo ang sinasabi nila. Kakahiya kung magpapatuloy ang pangit na imahe ng NAIA. Gawin nila at hindi sana ningas-kugon dahil nagre-reflect kung anong klaseng bansa ang Pilipinas.
- Latest
- Trending