^

PSN Opinyon

JVA

DURIAN SHAKE -

MAGING si President Aquino ay talagang pinaglaanan ng panahon ang lamay para sa banana magnate at industrialist na si Atty. Jesus “Chito” V. Ayala na namatay noong Martes ng gabi dito sa Davao Doctors Hospital. Dumating si P-Noy dito sa Davao City noong Huwebes Santo para sa isang private visit sa pamilya ng mga Ayala.

Si Ayala, na mas kilala bilang “Tito Chito” o di kaya’y “JVA”, ay ang naging close adviser ni dating President Cory, ina ni P-Noy. Kinausap muna ni Cory si Ayala bago siya nagpasyang tumakbo noong 1986 snap elections at siya ring ginawa ni P-Noy noong August 2009 na kinonsulta rin si Ayala bago nagdeklarang tumakbo sa May 2010 elections.

Si Ayala ang naging pasimuno ng “Yellow Friday” movement noong 1980s laban sa rehimen ni Ferdinand Marcos. At si Ayala rin ang masasabing “father of deve­lopment” sa Southern Mindanao dahil nga sa kanyang pagiging Regional Development Council dito sa loob ng may mahabang panahon.

Ang pamilya Ayala ang may-ari ng Eden Nature Garden, Buenavista Island Resort, High Ponds Resort at ng MTS Entertainment Complex, na kabilang sa mga pangunahing tourist destinations dito sa Davao City. At ang JVA Group of Companies nito ang nagpapatakbo sa ilang banana at mga agricultural plantations sa katimogan.

Nitong Pasko ng Pagkabuhay ay nararapat ding pag-usapan ang naging mga katangian ni JVA na nakakaantig-puso rin. Kapansin-pansin na maging sa kanyang huling hininga ay nanatiling simple at mapakumbaba si JVA. Mariin niyang ipinagbilin na kung siya’y mamatay ay ipa-cremate siya agad dahil ayaw niyang bigyan ng alalahanin ang kanyang mga naiwan ukol sa mga kailanganin sa burol.

Kaya noong namatay si JVA ng 6:45 p.m. noong Martes ng gabi, agad dinala ang kayang mga labi na balot sa puting linen sa kanyang sariling sasakyan sa Davao Memorial Park na kung saan ito ay nilagay muna sa isang refrigerated vault magdamag bago nagdaus ng Holy Mass na sinundan ng cremation kinaumagahan.

Sa naging katayuan ni JVA na naging malapit sa mga may kapangyarihan at may mga tamang connections, hindi siya naging abusado. Sinabi nga ni P-Noy na si JVA ay naging isang “comforting presence” dahil nga “he gave so much of himself without asking anything in return”.

Ni kailan man ay hindi rin nabahiran ng kung anong kontrobersiya si JVA sa kanyang paninilbihan bilang legislative liaison sa panahon ni Cory maging sa mga taon na siya’y naging RDC chairman dito. At may isang bagay pang kahanga-hanga kay JVA at sa pamilya nito. Hindi kinahiligan ni JVA ang maging laman ng mga society pages ng mga diyaryo. Kung tutuusin ay may “K” si JVA na malagay sa society pages. Ngunit mas pinili niyang huwag umattend sa mga pasosyal na parties.

Kung may mga buena pamilya diyan na kung magpalit ng mga katulong ay kada buwan o di kaya’y kada linggo, ang mga kasambahay at staff naman nina JVA ay umaabot ng 40 taon sa kanila. Napakatindi ng loyalty ng mga kasambahay at mga empleado ng JVA Group of Companies kay JVA.

Naalala ko ang sinabi noon ni JVA na “We’re all going home to Eden”, kung ang pinag-usapan namin ay tungkol sa kamatayan. Ibig sabihin na lahat tayo ay mamamatay. At alam ni JVA na isinilang tayo na walang dala at tayo ay lilisan sa mundong ito na bukas ang kamay at walang hinahawakang ni anumang material na kayamanan.  

Minsan kong tinanong din noon si JVA kung ano ang aral na dapat parating isasaisip ng bawat isa--- at ang sagot niya ay ang pagiging mapagkumbaba. At noon ngang buhay pa si JVA ay ay hindi siya nalunod sa karang­yaan at kapangyarihan.

AYALA

DAVAO CITY

GROUP OF COMPANIES

JVA

KUNG

P-NOY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with