PAG-ASA ang kahulugan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus na ipinagdiriwang ngayon. Kung noong Huwebes at Biyernes Santo ay tahimik na tahimik ang kapaligiran at nagluluksa sa paghihirap at kamatayan ng Tagapagligtas, ngayon ay maraming nagsisipagsaya dahil muling nabuhay ang Panginoon na tanging nagbibigay ng pag-asa sa lahat ng mga nagdurusa. Maraming naniniwala na ang mga pasakit, hirap at pagtitiis ay matatapos din. Ang lahat ng mga kalbaryo ay lilipas din.
Kabilang sa mga dumanas ng pagsubok ay ang mga nasunugan sa Guadalupe Viejo, Makati City noong Martes Santo ng tanghali. Marami ang nabigla sa biglang pagliyab na sa isang iglap ang tirahan ng may 2,700 pamilya ay naabo. Mayroong residente na tanging suot lamang niya ang natira sapagkat nasa trabaho siya nang maganap ang sunog. Wala siyang magawa kundi ang umiyak habang pinanonood ang pagtupok sa kanyang bahay. May isang matandang babae na habang umiiyak ay nagpapasalamat na wala ni isa man sa kanila ang napinsala. Nailabas daw agad niya ang mga apo. Noong 2008 ay nasunog na rin ang lugar na iyon. Sabi ng iba, malalampasan din nila ang pagsubok na iyon.
Dumanas din ng pagsubok ang mga tumakas sa Libya. Marami ang nag-akalang hindi na sila makakauwi ng buhay dahil sa labanan ng mga Khadafy forces at mga rebelde. Pero dahil malaki ang kanilang pag-asang malalampasan ang kaguluhan, nangyari iyon. Maraming nagsabi na kahit walang perang maiuwi basta’t ang mahalaga ay buhay sila at makapiling ang pamilya.
Kalbaryo rin naman ang dinanas ng mga Pinoy sa Japan nang magkaroon ng lindol at tsunami noong Marso 11. Ang matindi ay nang mag-leak ang nuclear plant at apektado ng radiation ang mga nasa paligid. Maraming Pinay ang umiiyak habang karga ang kanilang mga anak at nakapila sa airport. Marami sa kanilang asawang Hapones ang nagpaiwan sa lugar kaya lubhang masakit ang paghihiwalay. Walang magawa ng mga Pinay kundi tanggapin ang katotohanan.
May pag-asa kahit dumaan ang matitinding pagsubok. Huwag bibitiw sa paniniwala. Lilipas din ang mga bangungot sa buhay.
Maligayang Pasko ng Pagkabuhay sa lahat!