KUNG maayos ang pamumuhay ng mga kawani ng gobyerno, lalu na ang mga pulis at kagawad ng militar, magagampanan nila ng wasto at episyente ang kanilang tungkulin.
Napapanahon ang paglalaan ni Pangulong Noynoy Aquino ng P4.2 billion sa pagpapatayo ng 20,000 bahay para sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na mababa ang suweldo.
Sa pagkakabisto ng mga “pasalubong, pabaon” scandal sa militar, sumama ang loob ng mga karaniwang kawal. Napapanahon na ipakita ng administrasyon na seryoso ito na kalingain sila habang yung mga opisyal na dawit sa anomalya ay pinag-uusig.
Ayon kay Executive Secretary Paquito N. Ochoa, Jr. nilagdaan ni P-Noy ang Administrative Order (AO) No. 9 noong nakaraang ika-11 ng Abril para sa isang proyektong pabahay sa mga sundalo at pulis.
Tama ang Executive Secretary. Ang maayos at murang pabahay ay isang paraan para iangat ang morale ng mga sundalo at pulis. Kakatwa na kung ang mga nakatataas na opisyal ay nagtatampisaw sa yamang mula sa katiwalian, marami sa mga kawal at ordinaryong pulis ang walang sariling bahay.
“Sa pamamagitan ng abot-kaya at disenteng bahay, umaasa ang administrasyon na ang mga sundalo at pulis na nag-aalay ng buhay sa pagpapatupad ng batas ng bansa at pangangalaga sa kapayapaan at katiwasayan ng bayan, ay mabibigyan ng kailangan nilang bahay,” dugtong ng Executive secretary.
Sa bisa ng direktiba inaatasan ang National Hou-sing Authority (NHA) na manguna at magpopondo sa proyekto. Inatasan din ng Pangulo ang NHA na bumalangkas, magpatupad, at mangasiwa sa programang pabahay para sa maliliit ang suweldong tauhan ng sandatahang lakas at pambansang pulisya.
Kung nakatira nga naman sa sariling permanenteng bahay ang pamilyang iniwan para gampanan ng mga sundalo at pulis ang nakaatang na tungkulin, mas madali para sa kanila na magapi ang mga kaaway ng lipunan.