Kaunting salita maraming gawa
Tingin ko, iyan ang katangian ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Raul Bacalzo: “A man of few words.”
Halimbawa, matapos manguna si Bacalzo sa negosasyon na nagpalaya sa 12 pang binihag ng ilang Manobo gunmen sa Agusan del Sur kamakailan, wala na tayong narinig pa mula sa kanya. Dito sa pitak natin, bumabatikos tayo pero pumupuri din kung kailangan para ma-inspire yung iba na gumawa ng tama.
Para bang “all in the day’s work” lang ang pagkakaresolba ng PNP sa pangunguna ni General Bacalzo sa isang krisis na pwedeng naging kasing-lala ng nangyari sa Abu Sayyaf hostage-taking ng mga Burnham.
Pambihirang pangyayari ito. Ni kapirasong putok ng baril ay walang narinig sa isinagawang operasyon. Kaya saludo tayo kay General Bacalzo, sa PNP at sa lahat ng nagtulung-tulong para maresolba ang hostage-taking na ito.
Ang nais lang pala ng mga Manobo gunmen ay ang mabigyan ng patas na pagdinig ang kaso ng isang tribal leader nila na si Ondo Perez. Nang masiguro na mabibigyan si Perez ng due process sa kasong kidnapping ng 79 katao sa isang barangay sa Prosperidad noong 2009 ay pinawalan na rin ang mga binihag nila.
Kapuri-puri ang estratehiya ng PNP sa pamumuno ni Bacalzo. Hangga’t maaari kasi ay wala namang may gusto na umabot pa sa paggamit ng pwersa ang pagresolba sa isang krisis tulad ng nangyari sa Quirino Grandstand hostage taking, na nagresulta sa pagkamatay ng ilang Hong Kong tourists.
Ngunit hindi lang sa negosasyon nagsasagawa ng patuloy na pagsasanay ang PNP matapos ang Quirino incident dahil naging malawakan rin ang retraining nito sa special action forces (SAFs) ng PNP at ng special weapons and tactics(SWAT) units ng iba’t ibang police regional offices. Nagkaroon rin ng kampanya laban sa mga scalawag sa hanay ng PNP na nagpataas sa morale ng kapulisan, na nadadamay ang imahe sa maling gawain ng ilang bugok. Sa pagkaalam natin ay nagkaroon ng zero backlog program si General Bacalzo para ang lahat ng pending na kaso laban sa mga pulis ay maaksyunan na.
- Latest
- Trending