LIMANG araw ikinulong sa Senado si retired Lt. Gen. Jacinto Ligot dahil sa contempt. Mula nang naibulgar nu’ng 2004 ang pagtangay niya ng daan-milyong piso, nu’ng nakaraang buwan lang siya pinatikim ng piitan. Pero isinakdal siya ngayon ni dating Armed Forces budget officer Col. George Rabusa ng plunder o pangungulimbat. Walang piyansa sa heinous crime na ito, parang murder, kidnapping at rape. Makukulong na kaya si Ligot habang nililitis ang kaso?
Hindi pa tiyak kung magkakaganoon nga. Pag-aaralan pa ng Department of Justice ang ebidensiya ni Rabusa. Tapos, dahil ginawa umano ang krimen habang nasa serbisyo publiko bilang military comptroller, ibibigay ang kaso sa Ombudsman.
Kapag makitaan ng malaking posibilidad na ginawa nga ang krimen, kulong sina Ligot at co-accused: Dating chiefs of staff Gen. Diomedio Villanueva, Roy Cimatu at Efren Abu, kalalaya sa plea bargain na dating Maj. Gen. Carlos Garcia, Brig. Gen. Hilario Atendido, Epineto Logico at Benito de Leon, Col. Gilbert Gapay, Robert Arevalo, Cirilo Donato, Roy Devesa at Kenneth Paglinawan, Majors Ernesto Paranis at Emerson Angulo, military auditor Divina Cabrera, at chief accountant Generoso del Castillo. Maari rin mapiit ang asawa ni Ligot na Erlinda at bayaw na Edgardo Yambao, at kung sino pang masasangkot na kaanak ng mga nasasakdal.
Mabagal ang hustisya. Pero kung minsa’y nagi-ging parusa na sa maysala ang maibunyag ang pa-ngalan. Ito’y dahil ikinahihiya sila ng pamilya. Parusa rin ang pagbibista, dahil makonsumo ito sa oras at nakapanlulumo sa emosyon. At lalong parusa ang ma-detain without bail habang binibista, dahil para na ring nasentensiyahan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com