HINDI na bago sa BITAG ang mga reklamo hinggil sa panloloko ng mga marketing agents kuno ng isang kumpanya. Lalo na ‘yung pakalat-kalat sa mga pasilyo ng mall.
Nauna ng na-engkuwentro ng BITAG ang AOWA at Homesonic at iba pa. Ngayong 2011, sa parehong sumbong dahil sa parehong estilo ng panloloko, ang Arysta Marketing naman.
Matatagpuan ang tanggapan ng Arysta Marketing sa loob ng Harrisson Plaza sa Maynila. Andito rin yung kanilang mga produktong panloko este pang-alok sa kanilang mga kostumer.
Sa salaysay ng biktimang lumapit sa BITAG, hinarang sila ng isang ahente ng Arysta na pakalat-kalat sa buong mall. Nanalo daw siya ng isang electronic gadget dahil sa mobile network na kasalukuyan niyang gamit.
Makukuha lamang daw niya ang premyo kung bibili ang ginang ng produkto ng Arysta. Sa madaling salita, na-sales talk ang ginang dahil tamang-tama naman na maglilipat sila ng bahay at kailangan ng mga bagong appliances.
Umabot sa singkuwenta y siyete mil ang nabili ng ginang gamit ang kaniyang credit card. Lumipas muna ang ilang buwan bago niya ito binuksan at ginamit.
Subalit tatlong araw pa lamang niya nagagamit ang mga appliances, nasira ang mga ito. Lahat ng kaniyang mga produktong nabili sa Arysta, mahinang klase at dispalhado!
Bago kumprontahin ng BITAG ang Arysta Marketing, nagpalakad kami ng mga undercover sa Harison Plaza upang silipin ang kilos at galaw ng mga ahente ng inire-reklamong kumpanya.
Ang siste, mas malala sa ikinuwento ng ginang na nagrereklamo ang aming naidokumento.
Sakop ang halos buong mall sa mga pakalat-kalat at palakad-lakad na mga ahente ng Arysta Marke-ting.
Kapansin-pansin ang mga uniporme ng mga ito lalo na ng mga kababaihan. Naka-mini skirt ang mga ito at sa kapal ng make-up, aakalain mong sa isang KTV Bar sila nagtatrabaho.
Nakakaalarma din ang kanilang panghaharang, pamimilit at panghihila ng kostumer papunta sa kani-lang puwesto upang ipakita ang kanilang produkto.
Subalit kataka-taka para sa BITAG kung bakit hindi sila pinapansin o sinasaway man lang ng mga security guard ng mall sa pang-aabala sa mga shoppers.
Abangan ang ikalawang bahagi…