EDITORYAL - Sakit na nakuha sa maruming tubig
KAAWAAWA ang nangyari sa mga residente ng Bataraza, Palawan, na walang awang sinalanta ng cholera. Tatlumpo na ang namamatay at karamihan ay mga bata. Kabilang sa isang tribu ang mga biktima. Nagdeklara na ang Department of Health ng cholera outbreak sa nabanggit na bayan. Ayon sa DOH, nakapagtala na ng 430 kaso ng cholera sa Bataraza mula Marso 1 hanggang Abril 12. Nagsusuka at masakit ang tiyan ng mga pasyente. Nang isailalim sa pagsusuri ang mga biktima, nakita sa kanila ang vibrio cholera, bacterium na dahilan ng cholera. Kontaminadong tubig ang dahilan ng cholera.
Marumi ang tubig na iniinom ng mga taga-Bataraza. Kahindik-hindik ang ganitong pangyayari na kahit pala inuming tubig ay salat na salat ang mga residente. Napaka-miserable ng kalagayan na dahil sa kawalan ng malinis na inuming tubig ay maaaring malipol ang mamamayan. Nakapagtataka lang kung bakit umabot sa malaking bilang ang namatay bago naideklarang may outbreak. Nagkulang ba ang mga local na pamahalaan at kung kailan marami nang batang namatay sa cholera saka sila kumilos. Noon din lang nirasyunan ng tubig.
Dapat pa bang may mamatay sa cholera sa ganitong panahon na mayroon namang sapat na gamot para sa sakit? Sinasabing ang kawalan ng tamang sanitation ng mga miyembro ng tribu ang dahilan kaya may cholera. Umano’y dumudumi sila sa ilog at ito rin umano ang naiinom nila.
Tungkulin ng pamahalaan na i-educate ang mga walang alam. Nararapat ipaalam sa kanila ang mga panganib na maaaring kamtin dahil sa karumihan at iba pa. Kung bakit nangyari ang cholera outbreak, may pagkukulang din ang local officials. Sila ang nararapat unang makabatid ng mga nangyayari sa kanilang nasasakupan.
- Latest
- Trending