Sulit ba talaga ngayon?
DE-KURYENTENG sasakyan. Matagal nang iniisip ito ng mga imbentor, pero ang malaking hadlang sa isang maayos na de-kuryenteng sasakyan ay ang mga baterya. Lumalabas kasi noon na sa dami ng bateryang kailangan para mapatakbo ng disente ang isang sasakyan na dumadagdag lamang sa bigat nito, wala ring benepisyo. Dagdagan mo nga ang mga baterya, bibigat naman kaya wala rin. Ngayon, maganda na ang teknolohiya ng mga baterya. Maliliit, magagaan. Pati na ang mga bagong materyales na matibay at magaan katulad ng carbon fiber, nakakagawa na ng mga de-bateryang sasakyan na kasing tulin ng mga de-gasolina! At wala pang polusyon! Sa totoo nga, may mga kotse na tila Ferrari ang itsura, pero de-baterya!
Kaya ang gusto ni President Aquino ay mapalitan na rin ang mga pumapasadang tricycle sa kalye ng mga de-bateryang modelo na hindi na susuka ng usok. Kaya tumutulong ang Asian Development Bank(ADB) na pondohan ang mga unang unit. Mas mahal nga ang mga ito kumpara sa mga de-gasolinang unit, pero sa katagalan ay lalabas na mas sulit.
Ito ang gusto ko sanang ipaliwanag nila. Ang kuryente kasi sa Pilipinas ang pinaka-mahal sa mundo! Kaya lalabas ba na mas mura ang de-bateryang sasakyan, kung ang kuryenteng ikakarga sa mga baterya ay ubod ng mahal? Alam ko sa ibang bansa, mas sulit nga ang de-bateryang sasakyan, pero dahil mura lang ang kuryente nila. Hindi ganun ang sitwasyon sa Pilipinas. Dapat siguro pag-aralan ang mga bumabaybay na de-bateryang mga sasakyan sa Taguig at sa Makati, kung mas sulit at mas mura nga. Sa kinalaunan, pera pa rin ang isyu. Walang argumento na malaking tulong sa kalikasan, sa ating lahat. Pero hindi lahat may pera para mapakinabangan ang ganitong magandang teknolohiya. Sa ngayon, masyadong mahal pa ang teknolohiya ng baterya, pati ng mga solar panel na kumakarga ng baterya.
Napakaganda nga ng araw kung saan wala ka nang ma aamoy na usok ng mga sasakyan, at wala ka na ring maririnig na ingay! Ang tanong, may pera ba tayong pambili, o pambayad sa kuryenteng kakailanganin?
- Latest
- Trending