GINIGISA ni SPO2 Angelito “Bebet” Aguas ang pangalan ni NCRPO chief Dir. Nicanor Bartolome sa mga pasugalan at bold shows sa Metro Manila. Bukambibig kasi ni Aguas ang pangalan ni Bartolome sa pakikipag-usap niya sa mga may illegal sa Kamaynilaan, pati na ang tulong para umano sa opisina. Si Bartolome ay gino-groom ni P-Noy na susunod na PNP chief. Kapag hindi naikumpas ni Bartolome ang kamay na bakal niya sa pangha-harass ni Aguas sa gambling lords at bold shows financiers, aba baka mapurnada ang pinakaasam-asam niya na pinakamataas na puwesto ng PNP. Ipinagmalaki pa ni Bartolome sa pag-uusap namin nitong nagdaang mga araw na “no take policy” talaga siya sa pasugalan at bold shows. Subalit taliwas naman ang ginagawa ni Aguas. Sino ang dapat paniwalaan? Si Bartolome o si Aguas?
Maaring idepensa ni Bartolome na walang Aguas sa roster ng NCRPO. Si Aguas mga suki ay naka-assign sa intelligence division ng CIDG. Balak itapon ng CIDG official na si Sr. Supt. Cris Laxa si Aguas sa malayong lugar subalit tinawagan siya ng kanyang mistah na si Chief Supt. Ed Ladao, hepe ng NPD. Si Aguas kasi ay gamit din ni Ladao bilang kolektor sa CAMANAVA. Dahil sa CIDG na siya, si Aguas kaya ay malakas din kay CIDG director Chief Supt. Sammy Pagdilao? Sobrang buwenas naman ni Aguas. Hamakin mo PNP chief contenders na sina Bartolome at Pagdilao at Ladao, na bagyo kay P-Noy ang mga amo niya. Sino sa mga gambling lords at financiers ng bold shows ang papalag kay Aguas? Wala!
Ang bansag ng mga bold shows operators dito kay Aguas ay boy “take out”. Kasi nga mahilig si Aguas na magpabalot ng kahit anong pagkain lalo na ang crispy pata sa mga beerhouses sa kahabaan ng Roxas Blvd. ‘Wag na kayong magtaka kung matataba ang pamilya ni Aguas dahil libre ang kinakain nila. Tinatawag din na triple A si Aguas dahil sa middle name niya na Aro.
Maaring masaya sa ngayon si Aguas dahil sa limpak-limpak na salaping umaakyat sa bulsa nya dahil sa pagkunsinti nina Bartolome, Pagdilao at Ladao sa tong collection activities niya. Pero may kasabihan na ang lahat ng kaligayahan ay may katapusan. Lumilitaw sa sitwasyon ni Aguas na ang tong collection activities ng mga tiwaling pulis ay hindi lalaganap kung walang basbas ng senior officers ng PNP.
Kung nais ni P-Noy ng matuwid na landas, bakit sina Bartolome, Pagdilao at Ladao ay kinukunsinti ni Aguas? Anong say mo PNP chief Dir. Gen. Raul Bacalzo?