Umpisa
SA wakas, pagkalipas ng ilang taon, may kinasuhan na sa fertilizer scam. Isang dating gobernador ng Sorsogon, isang accountant at isang provincial treasurer ang kinasuhan ng Ombudsman hinggil sa sobra-sobrang pagpatong sa presyo ng fertilizer para sa mga magsasaka. Walong daang porsyento ang pinatong sa presyo! Natural naganap ito sa ilalim ng administrasyon ni dating President Arroyo. Ayon sa Ombudsman, binili ang mga abono sa Feshan Philippines Inc., kahit may mga ibang produkto na puwedeng gamitin, walang public bidding, at hindi man lang humanap ng ibang puwedeng pagkuhanan ng abono. Sa madaling salita, niluto na ang tran-saksyon para sa Feshan, para kumita ang lahat. Sila ang pumirma para mailpabas ang pondo sa pagbili. Walang kinasuhan sa Feshan dahil sa kakulangan ng ebidensiya.
Pero maliit pa ito kumpara sa P728-milyong anomalya kung saan nasasangkot ang isang Jocjoc Bolante, pati na rin ang Feshan at ilan pa. Hanggang ngayon, wala pang aksyon ang tanggapan ng Ombudsman. Sa totoo nga, isa ito sa mga gagamitin laban kay Merceditas Gutierrez sa pag-impeach sa kanya sa susunod na buwan. Inupuan lang ang kaso at walang ginawa, malamang dahil ayaw kasuhan ang mga kaalyado ng dating unang pamilya!
Maliwanag ang dahilan kung bakit dapat nang ma-impeach si Gutierrez. Siguradong mas maraming mga kaso ang uusad kapag nawala na siya at ang kanyang mga kaalyado sa tanggapan ng Ombudsman. Nakapagtataka pa ba bakit dalawa na sa kanyang mga deputy ang nakatanggap na ng mga reklamo, at pinatatanggal na rin ng Palasyo? Pati sa isyung ito, nagmamatigas pa rin si Gutierrez. Siya lang daw ang puwedeng sumisante sa kanyang mga tauhan, at hindi ang Presidente ng Pilipinas! Talagang napunta na sa ulo ang kapangyarihan na binigay sa kanya ng kaklase’t kaibigan.
Marami ang naniniwala na kapag nalinis na ang tanggapan ng Ombudsman, maraming kaso ang uusad na, pati na mga kasong kasama sa reklamo laban kay Gutierrez. Kapansin-pansin pa rin na hindi pa kinakasuhan sina Bolante at kung sino pang sangkot sa anomalyang ito. Talagang ginagawa ang lahat para proteksyunan sila. Malaki nga siguro ang lalabas na ebidensiya kapag naganap na nga ang pagsampa ng kaso. Unti-unti, natutupad na rin ang daang matuwid ni President Aquino. Matagal, pero darating din tayo roon!
- Latest
- Trending