NANUMPA ang mga bagong abogado sa harap ng mga mahistrado ng Supreme Court kahapon. Ang pagiging abogado ay mahirap pasukin (20% lang ang average national passing average sa bar exams), mahirap pa-ngatawanan (napakataas ng pamantayan pagdating sa responsibilidad sa kapwa) at mahirap magtagumpay (higit na marami ang abogadong walang kita kaysa abogadong tumitiba). Sa kabila nito ay halos isang libo ding mga bata ang ganadung-ganadong harapin ang hamon ng batas.
Saksi ang mga magulang, pamilya, kaibigan, at mga law school Dean sa sumpa na tutuparin ang tungkulin bilang “officers of the court” at maging instrumento ng hustisya para sa lahat. Damang-dama ang kanilang sinseridad at determinasyon habang nakikinig sa payo ng mga Justice na sa lahat ng pagkakataon ay pangatawanan ang sinumpaan. Kung sino ang nabiyayaan ng edukasyon at karunungan, siya ring may obligasyon sa lipunan na gamitin ito para sa ikabubuti ng nakararami.
Sa mga walang sungay na bagong pasa, ang mga adhikaing ito ay nagpapaalab sa pusong handang maglingkod. Mabuti at dumami ang bilang ng nakakaintindi sa mahalagang usaping lipunan na bumabagabag sa atin sa ngayon. Ayon sa talumpati ni respetadong si Associate Justice Antonio Eduardo Nachura, ang pagiging lawyer ay pagiging lider. At aasahan ang kanilang tulong sa pagpaliwanag ng mga konsepto ng impeachment, wage hikes, child exploitation at iba pa sa mga komunidad na uhaw sa pag-unawa. Sana’y manatiling dilat ang kanilang mata at malinis ang konsensiya.
Congratulations sa mga Law School na patuloy ang paghubog ng mahuhusay na graduate. Sa Metro Manila Law Schools ay bumabandera pa rin sa resulta sa Exam ang mga institusyong kilala na sa kalidad ng kanilang programa: (1) Ateneo; (2) San Beda; (3) UP; (4) FEU-LaSalle/RCBC; (5) UST; (6) PLM; (7) Arellano; (8) FEU-Morayta; (9) PUP; (10) JRU. Ang kanilang mga Dean at faculty ay pihadong natutuwa at nasulit ang oras na ginugol upang makaabot sa puntong ito.
Special mention sa mga iskolar ng bayan ng PLM College of Law na napanatili ang 6th highest rating sa Metro Manila gaya ng nakaraang taon.