ZEPTASIDINE ang bagong antibiotic umano na itinurok sa namatay na asawa ng nagrereklamong lumapit sa BITAG sa ikalawang araw nito sa East Avenue Medical Center.
Paliwanag ng doktor ng East Avenue na siyang may hawak sa pasyente, hindi na raw tumatalab ang unang antibiotic na ginagamot nila dito kung kaya’t pinalitan nila ito ng mas mataas.
Sa unang turok ng bagong antibiotic, hindi raw kinakitaan ng anumang allergic reaction ang pasyente. Subalit sa ikalawang araw, doon lumabas ang mga sintomas hanggang sa mauwi ito sa anaphylactic shock na siyang ikinamatay ng pasyente.
Ayon sa Medical Lawyer na si Atty. Rey Olarte ng Phi- lippine Medical Association, delayed anaphylactic shock ang nangyari sa pasyente kung saan hindi agad lumabas ang allergic reaction mula sa antibiotic na itinurok sa pasyente.
Bagamat bihira lamang ang mga kaso ng delayed anaphylactic shock, kapag lumala ang kalagayan ng pasyente lalo’t nauwi ito sa kamatayan, may kapabayaan sa sinumang doktor o nurse na nakatalaga sa pasyente.
Nararapat na properly trained ang mga nurse dahil sila ang agarang nakakakita sa mga sitwasyon ng mga pasyente. Dapat alam nila ang mga sintomas ng anaphylactic shock upang mabilisang masabi ito sa doktor ng pasyente.
Isang dahilan dito ay dahil posibleng sa loob lamang ng limang minuto, kapag inatake ang isang tao ng anaphylactic shock at hindi agad naturukan ng epinephrine na siyang panlaban dito, kamatayan ang hantungan nito.
Sa kasong ito na inilapit sa BITAG, maaaring kapabayaan ang dahilan kung kaya humantong sa kamatayan ang misis ng nagre-reklamong si Mang Alberto.
Depensa ng mga doktor na humarap sa BITAG sa tanggapan ni DOH Secretary Enrique Ona, sa mga oras na inaatake ang pas-yente agad naman daw kumilos ang nurse at binigyan ito ng oxygen at anti-allergy.
Ginawa raw nila ang lahat ng paraan mabuhay lamang ang misis ni Mang Alberto. Ganunpaman, naniniwala ang BITAG maaaring maagapan ang pas-yente kung naturukan ito ng Epinephrine na panlaban sa anaphylactic shock imbes na oxygen.
Naniniwala rin kami na may Diyos, kaya’t naniniwala kami sa panahon na hangganan ng tao.