Lubusang kalamidad

MAY nakausap akong Hapones na matagal nang naninirahan at nagtatrabaho sa Pilipinas. Marunong na ngang magsalita at makaintindi ng Tagalog! Tinanong ko kung may mga kamag-anak siya o mga kaibigan na apektado nung lindol at tsunami. Sagot niya, “pamilya wala, kaibigan meron”. At dagdag pa niya na nanggaling siya ng Japan mismo noong isang linggo para kamustahin ang kanyang mga apektadong kaibigan. Napaatras siya sa nakita niyang gulo at danyos sa mga siyudad, pero ang nagpalungkot sa kanya ng lubusan ay ang labis na lungkot na nakita niya sa kanyang mga kaibigan. Tama nga iyong paglalarawan na tila pinaluhod ng lindol at tsunami ang Japan!

Sanay ang mga Hapones sa kalamidad at trahedya. Nagsimula ito noong natalo sila noong World War II, pero bumangon sila para maging isa sa pinaka-maunlad at mayamang bansa sa mundo. Nangunguna ang kanilang teknolohiya sa maraming bagay at aspeto, na tila hinahabol ng ibang bansa. Pero parang binago iyan noong Marso 11, nang maganap ang isa sa pinakamalakas na lindol sa kasaysayan, at sinundan pa ng isang napakala-king tsunami! Ganun pa man, pahayag ng kaibigan ko na kakayanin ng Japan ang lahat, maliban sa isang lumaki na nang hustong problema.

Inakyat na ng mga otoridad sa pinaka-mataas na antas ang peligro mula sa nasirang nuclear power plant sa Fukushima. Ibig sabihin, mataas na ang lebel ng radiation na tumatagas mula sa naturang planta, na maraming masamang epekto para sa kalikasan at sa mamamayan. Ayon sa kaibigan ko, ito ang nagpaluhod talaga sa mga Hapones, lalo na yung mga naninirahan sa may lugar ng planta. Taon ang bibilangin bago maging ligtas muli ang lupa at kapaligiran malapit sa planta, kaya hindi na alam nung mga dating naninirahan doon kung ano na ang gagawin. Nakakalungkot nga. Masama na yung tinangay ng tsunami ang bahay, mas masama yung hindi ka na makakabalik sa lupa na pag-aari mo! Lubusang kalamidad talaga!

At tila hindi pa tapos gumalaw ang lupain sa Japan. Malalakas na aftershocks ang nagaganap pa rin, isang buwan makalipas ang 9.0 na lindol. Sana lubayan na ang Japan. Todo suporta naman ang buong mundo sa kanila, para makabangon muli. Nakasalalay ang ekonomiya ng maraming bansa sa pag-rekober ng Japan.

Show comments