Intramuros

NGAYONG bago na naman ang Tourism department officials, bukambibig muli ang pampaganda ng Intramuros. Wala nga namang lugar sa buong Metro Manila ang may ganitong kombinasyon ng kagandahan, kasaysayan at kultura. Natatangi ang Intramuros – kapag napunta rito’y para kang pumasok sa kakaibang mundo. Malillimutang nasa kalagitnaan ng lungsod dahil saan man tumingin, sa mayorya ng mga eskinita ay nakatindig pa rin ang mga orihinal na gusaling bato na itinayo noong panahon ng mga Kastila. Sa kagustuhang manatili ang ganitong atraksyon ng lugar, mahigpit na ipinagbawal ng Lungsod ng Maynila ang pagtayo ng mga matataas na edifisyo. At noong inilipat ni President Marcos ang hurisdiksyon nito sa pamahalaang nasyonal, pinagpatuloy ang regulasyon laban sa modernisasyon. Ang karanasang ito’y mapapasaiyo nang hindi bumibiyahe nang malayo – narito mismo ang Intramuros sa kapusuan ng Maynila, ang sentro ng kabihasnan ng Pilipinas.

Maraming ganitong lugar sa iba’t ibang bansa, mga showcase kung tawagin. At malaki ang ginagastos upang hindi masalaula upang mapanatili sa orihinal nitong anyo. Sayang at dito sa atin ay hindi gaanong nagtagumpay ang kampanya para isalba ang Intramuros. Maaring mula sa labas ay hitsura itong kastilyo. Subalit sa loob nito, sa maraming bahagi ay daig pa ito ng bahay kubo. Talamak ang kahirapan at kung iinspeksyuning mabuti ang mga gusali ay nabubulok na at nababaon sa limot at kapa­bayaan. At hindi nakakatulong na walang patid ang daloy ng mga sasakyan, kahit malaking truck, na sumisira sa mga tisang daan at naghahatid ng nakasisirang polusyon.

Maraming teorya sa kung bakit hindi napaganda nang husto ang Intramuros mula nang inagaw ito ng gobyernong nasyonal sa pamahalaan ng Maynila. Kulang sa plano, kulang sa implementasyon, kulang sa atensyon – at marami pang iba. Sa akin ang solusyon ay maibalik ito sa Lungsod. Hindi lamang ito makataru­ngang alternatibo. Paniwala ang marami na sa kasalukuyang komposisyon ng pamahalaang lungsod sa ilalim ni Mayor Lim at Vice Mayor Moreno ay mabibigyan ito ng kaukulang pag-alaga.

Ang Intramuros ay kayamanan ng Lungsod ng Maynila at ng bawat isang Pilipino. Sana ay matuloy ang lahat ng magandang plano para dito ng mga kina­uukulan.

Show comments