Duda kung bayani talaga si Marcos (2)
NU’NG una’y walang tumuligsa sa inilathala sa magasin nu’ng 1948 na umano’y war exploits ni Ferdinand Marcos. Sinakyan niya ang mga kuwentong-giyera para mahalal na kongresista, senador at Presidente.
Nagsimulang umangal ang mga beterano nu’ng 1982. Ito’y nang igiit ni Marcos na siya ang tunay na bayani sa Battle of Bessang Pass. Nang mapasa-kanila ang bangin, natugis na ng US Army si General Yamashita sa Kabundukang Cordilleras. Ani Marcos binulong sa kanya ni General Volkmann na muntik nang sumuko si Yamashita sa mga gerilyang Maharlika ni Marcos. Pero anang ilang war historians, wala ni anino niya sa Bessang Pass nang masidhing paglabanan ito.
Tapos lumabas ang New York Times exclusive nu’ng Enero 1986. Umano’y ni-reject ng US Army ang mga aplikasyon ni Marcos nu’ng 1945 at 1948 na kilalanin ng America ang Mga Maharlika. Peke raw kasi ang grupo. Ani Ray Hunt Jr., US captain na namamahala ng mga gerilya sa North Luzon, wala siyang narinig na gan’ung grupo. Natalisod lahat ito ni history professor Alfred McCoy habang sinasaliksik ang files na kabibigay pa lang ng Army sa National Archives, Washington.
Pinatotohanan nito ang librong The Fake Medals of Marcos ni retired Philippine Army Col. Bonifacio Gillego. Isiniwalat ni Gillego nu’ng 1985 na ang 27 medals ni Marcos ay huwad, mula sa imbentong “kagitingan” ng 300 engkuwentro sa Hapones nu’ng World War II. Para mangyari ‘yon, ani Gillego, kailangan nasa maraming lugar si Marcos sa parehong oras. Naging katatawanan ang ulat na sumubok si Marcos, pero muli ni-reject ng US Army, na kumubra ng $595,000 war reparations. Ito’y para umano sa pag-commandeer ng US Army ng 2,000 baka mula sa (kathang-isip na) rantso ng pamilya niya sa Mindanao.
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending