WAR hero ba talaga si Ferdinand Marcos, na dapat ihimlay sa Libingan ng mga Bayani? O buhong siya na kinathang-isip lang ang kagitingan? Lumitaw ang tanong na ito noong 1986, nang maglaban sa pagka-Pangulo ang strongman at si Cory Aquino. Kasi ipina-pangalandakan ni Marcos ang “kadakilaan” para palitawing mas mahusay kaysa biyuda ni Ninoy Aquino. Itinatanong ito muli ngayon, dahil ipinalilipat ng 204 kongresista ang mga labi ni Marcos sa Libingan.
Unang nailathala ang World War II exploits ni Marcos sa magasin nu’ng 1948. Umano’y binuo niya ang 9,200-gerilyang Mga Maharlika, matapang na pinamunuan ang 300 engkuwentro sa mga Hapones at minedalyahan nang 27 beses. Dahil sa kuwentong-giyera iniupo si Marcos nu’ng 1947 sa komisyon na humingi sa US ng benepisyo para sa mga beterano. Madali rin siya nanalo bilang kongresista nu’ng 1949. At ginamit niya ang salaysay sa marami pang election campaigns.
Nu’ng Enero 1986, kainitan ng labanan nina Marcos at Cory, nag-ulat ang New York Times. Ibinasura umano ng US Army ang aplikasyon ni Marcos nu’ng 1945 at 1948 para kilalanin ng America ang Maharlika. Ito’y dahil imbento lang ang mga miyembro at gawain ng grupo. Si history professor Alfred McCoy ang naka-talisod sa records habang nagsasaliksik sa National Archives sa Washington. Ani Ray Hunt Jr., dating US Army captain na namamahala sa mga gerilya sa Luzon, walang Maharlika nu’ng giyera. Kung merong unit noon ay nabalitaan dapat niya. Ayon sa Army investigators, nagbebenta pa ng kontrabando sa kalaban ang mga sinasabing kapwa-Maharlika ni Marcos noon.
Patotoo ito sa naunang inilathala ni dating Philippine Army Col. Bonifacio Gillego sa librong The Fake Medals of Marcos. (Itutuloy bukas)
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@workmail.com