DALAWANG buwan na ang nakakaraan ng malagay sa sentro ng kontrobersiya ang St. Jude College sa Maynila.
Ito’y matapos masangkot sa isang kaso ng pamba-blackmail at sexual harassment ang kanilang Dean ng College on International Hotel and Restaurant Management. Nagsimula ang lahat sa immoral na alok ni Dean na Kuwarto o Kuwatro.
Ang biktima, mismong estudyante ni Dean sa nasabing kolehiyo. Hulog sa BITAG si Dean Alexander Rible nitong buwan ng Pebrero sa loob ng isang motel sa Maynila kung saan niya kinatagpo ang biktima.
Nagpahayag noong mga panahon na iyon ang St. Jude College ng pagkadismaya sa kinasangkutan ng kanilang Dean. Hindi raw nila kinukunsinti ang ganitong immoral na gawain.
Nangako ang pamunuan ng St. Jude na may kaukulang aksiyong gagawin ang kanilang eskuwelahan sa kasong ito. Abril ng 2011, muling binuksan ng St. Jude College ang kanilang pintuan sa BITAG.
Sila mismo ang nakipag-ugnayan sa aming tanggapan upang ipaalam ang ginawang pagbabago’t hakbang pagkatapos ma-BITAG ni Dean Rible.
Agaran daw nilang sinuspinde si Dean Rible nang makaabot sa kanilang kaalaman ang isyu. Nagsumite naman ng resignation si Dean at walang alinlangang tinanggap ito ng St. Jude College.
Ayon sa Vice President for Academic Affairs ng St. Jude na si Al Cruz, nagpatawag sila ng mga kaukulang pagpupulong at seminars sa mga faculty sa lahat ng kurso upang ipaalala at balaan ang lahat sa mga krimeng tulad nito.
Tinawagan rin daw nila ng pansin ang Philippine Association of College and Universities na bumuo ng isang komite na hahawak sa mga kasong sexual harassment na kasasangkutan ng mga empleyado, professors at Dean ng lahat ng eskuwelahan sa kolehiyo.
Sa imbestigasyon ng BITAG, lumalabas na ang mga kursong Nursing, HRM at Tourism ang ka-dalasang nagiging lantad sa mga kaso ng sexual harassment, pahayag ito noon ni Dean Amado Valdez ng U.E College of Law.
Kaya naman upang makasiguro ang St. Jude College na hindi muling mangyayari ang insidente, babae ang ipinalit na Dean kay Alexander Rible.
Ayon kay Dr. Melinda Torres, ang bagong Dean sa College of HRM ng St. Jude, nasa kurso ng HRM at Tourism ang mga presentable’t naggagandahang estudyante na siya namang kinakaila-ngan sa industriya ng hotel, resorts, airlines atbp.
Ipinakita sa BITAG ng St. Jude College ang pagbabagong ginawa sa loob ng eskuwelahan. Isa na rito ay ang pagpapalakas ng Student Affairs Office na inilagay sa mismong entrance ng kanilang eskuwelahan.
Sa pamamagitan raw nito, madali para sa mga estudyante ang lumapit sa pamunuan ng eskuwelahan upang iparating anuman ang kanilang pangangailangan, problema o hinaing. Nakatakda na rin umano ang ka nilang pagsasampa ng kaso sa korte laban kay Alexander Rible.