Aral sa pagbitay sa tatlong Pilipino sa China
TALAMAK na ang illegal drugs sa buong mundo. Salot na walang kinikilala, mayaman man o mahirap. Magsilbing aral nawa sa atin lalu na sa pamahalaan ang pagbitay sa tatlo nating kababayan sa China. Nalungkot tayo bilang mga Pilipino. Sukdulang nakiusap pa nang ilang ulit ang pamahalaan sa China para mababaan man lang ang sentensya ng tatlo. Pero ang batas ay batas.
Sa isang banda tama si Sen. Vicente Sotto III. Nakikidalamhati tayo sa pamilya ng mga binitay. Pero huwag kalimutan na sila’y may pananagutan. Maaaring kaakit-akit ang halagang iniumang sa kanila para maging drug couriers pero hindi dahilan para gumawa ng labag sa batas.
Para sa gobyerno, wake up call ito. Apurahin ang pagpapasigla ng ekonomiya para hindi na mangibang bansa ang ating mga kababayan. Higpitan ang paglabas sa bansa ng mga kababayan natin para tiyaking hindi sila nagagamit ng sindikato. Higit sa lahat, pag-ibayuhin ang giyera kontra droga.
Sa panig ng mga kaanak ng tatlong binitay, magpakahinahon nawa sila. Imbes sisihin ang sino man, isipin na ang kanilang mga kamag-anak ay nagkamali at dapat managot. Lahat tayo ay nagkakamali at may kaukulang consequence ang bawat maling nagawa natin.
Kung may mga krimen gaya ng rape at brutal na pamamaslang ng mga taong lulong sa droga, may responsibilidad ang mga nagpagamit para ikalat ang illegal na kalakal.
Ang tanging magagawa ng pamahalaan ngayon ay tiyaking di na mangyayari muli ang sinapit ng tatlo nating kababayan. Hindi mainam na ang gobyerno’y nakikiusap na bawasan ang sentensya ng mga kababayan nating hinatulan dahil sangkot sa krimen. Sa ngayon, ang ibang kababayan natin sa ibang bansa na may kasong kriminal ay aasa na rin sa gobyerno na sila’y matulungan.
Ang mga pangyayaring ito’y nagbibigay ng pangit na batik sa bansa sa harap ng world community of nations.
Sa ebalwasyon ko wasto ang panindigan ni Sotto. The fight against illegal drugs needs serious people with a firm stand.
- Latest
- Trending