NAKAPAGTATAKA at hindi nahuhuli ang mga sinasabing hostage-takers sa Agusan del Sur nang pinalaya ang 12 naiwang hostages noong nakaraang linggo.
Wala ring balita tungkol sa pinaigting na pag-uusig sa limang miyembro ng Ondo Perez group na dumukot sa 16 na mga Department of Education officials, mga guro at maging mga estudyante sa Prosperidad, Agusan del Sur.
Ang tanong ay kung tinugis ba talaga ng ating mga otoridad ang limang kasapi nina Ilad Perez at Toto Navarro na silang bumihag sa DepEd officials at mga guro maging ng ilang mga estudyante.
Hindi lang naman yon ang unang pagkakataon na ginawa ng mga tribesmen ang pamimihag. Ginawa na iyon ni Ondo Perez noong December 2009 na naging daan ng kanyang pagsuko at pagkabilanggo.
At ngayon naman ay naging demand ng kanyang mga kasamahan ang kanyang paglaya kapalit ng kalayaan ng mga 16 na bihag nila nitong nagdaang linggo.
Hindi ba kayo nagtataka kung bakit naging mapangahas ang Ondo Perez group? At bakit sila naghahari sa kabundukan ng Agusan del Sur?
Naging tanong din kung paano napasa-kamay ng mga miyembro ni Ondo ang mga powerful weapons.
At bakit nga ba hindi tinotohanan ng ating mga otoridad ang pagtugis sa grupo ng mga armadong Lumad na ito?
Ayon sa mga taga-Agusan Sur, ginagamit ng mga pulitiko ang grupo ni Ondo Perez,
Ginagamit ang grupo nina Ondo Perez sa mining at maging sa logging operations sa Agusan provinces kaya sila ay naghahaharian sa lugar. At naging paulit-ulit nga na drama ang mga nangyayaring hostage-taking upang makakuha na naman ng panibagong pondo ang mga ka-grupo ni Ondo Perez kahit nga na nasa piitan pa siya.
Tiyak akong muling mangho-hostage na naman ang mga katribu ni Ondo Perez.
Habang sinusuportahan sila ng mga pulitiko sa Agusan, hindi sila titigil sa pagbihag ng mga inosenteng sibilyan.