Mga durugista magiging zombie

BIYERNES ng hapon habang tinatahak ko ang kahabaan ng Tomas Morato, Quezon City, kitang-kita ko nang muntik mabangga ang isang batang lalaki na nasa pagitan ng 12 hanggang 16 anyos. 

Sa gitna ng kalye naglalakad ang batang ito, hindi alin-tana ang mga sasakyang dumadaan at minsa’y parang lasing pang sumusuray kaya nga muntik ng madale ng isang Toyota Fortuner na hindi naman mabilis ang takbo. 

Biglang preno sabay kabig sa manibela ang driver na muntik maging dahilan ng banggaan ng iba pang sasakyang sumusunod. Ako na kasalubong ng naturang sasakyan ay kinabog nang husto, buong akala ko masasagasaan ang bata. 

Katakut-takot na businahan at kitang-kita natin sa ibang mga sasakyan ang mga iilling iling na mga tsuper pero ang batang muntik muntik lang paglamayan ay parang wala lang na patuloy na naglalakad na nakatingin sa malayo.  

Hindi tayo nakatiis, pinapara natin ang sasakyang lulan natin at baba tayo sa isang tindahan upang magtanong tanong. 

Ito natuklasan natin sa pakikipag-usap natin sa isang nagtitinda ng sigarilyo: Bangag ho sa rugby iyan, taga riyan ang batang iyan sa squatter’s area at nag-wawatch your car boy, kung may kita pambibili ng rugby.

Hindi tayo makapaniwala, tanong naman tayo sa isang gwardya sa tapat ng isang restaurant at ito ang sagot niya: Sir, rugby boy iyan, kasama iyan nuong mga nangungulit sa lahat ng pumaparada dito at pag kumita ng konti, kesa ibili ng pagkain, hayan, bibili ng rugby. 

Kakalungkot mga ka­babayan, wala sa isip ng batang ito na naka rugby. Walang kinabukasan at parang mga ZOMBIES sa pelikula, naglalakad, nagsasalita pero walang utak, sinunog na ng iligal na droga. 

* * *

Para sa anumang reaksyon, suhestiyon text lang sa 09498341929 o e mail sa nixonkua@ymail.com

Show comments