'Mangangatay-tao'

KAHAPON ng gabi, nagkagulo sa harap ng Police Station 4 sa G.Tuazon St. matapos maaresto ng mga barangay tanod ang isang nagngangalang Abet Baldos na sangkot umano sa pangingidnap ng mga kabataan. Sinakyan kasi ng ilang residente ang pang-uurot ng ilang walang magawang kabarangay nila na si Baldos ay kasangkot sa human organ syndicate na gumagala sa kanilang lugar.

Ito ang bunga ng masamang pagpapakalat ng poster ng mga barangay official hinggil sa pagkatay sa mga kabataan na tinanggalan ng lamanloob. Kung sabagay tama lamang ang paalala ng mga barangay upang mapag-ingat ang mga residente kung may katotohanan nga ang balitang kumakalat. Ang masama nga lang nagtanim ito ng hindi kagandahan sa isipan ng sambayan dahil hanggang ngayon ay wala pang nakikitang pruweba na mayroon ngang pangyayaring ganito.

Katulad ng nangyari kay Baldos sa Station 4 na naging bayolente ang ilang residente. Nagbarikada sila sa labas ng presinto. Pinagbabato ang bubungan ng presinto at tinamaan ang ilang kabarangay. Maging si Supt. Jemar Modequillo ay hindi nakaligtas sa mga maanghang na salita ng mga residente dahil lumalabas noong una na pinuprotekhan niya ang akusado. Subalit dahil sa magandang paliwanag ni Modequillo ay kusang nagsiuwian ang mga ito matapos niyang iharap sa ilang makukulit ang sinasabi nilang mangangatay-tao. Maging ang 13 anyos na nakawala umano sa kamay ng mga kidnaper ay pinatunayan na hindi niya kilala ang taong inakusahan.

Kaya mga suki, kunting pigil. Huwag basta-basta maniniwala sa pang-uurot ng ilang butangero dahil baka sa bandang huli mapahamak ang buhay ninyo. Ang mabuti ninyong gawin ay rendahan ang inyong mga anak ng hindi mapahamak sa kinakatakutan ninyong mangangatay-tao. Madalas makita ang mga kabataan sa lansangan na nagliliwaliw kung kayat kadalasan nasasangkot sila sa rambolan.

Show comments