Mabuhay ang Mowelfund
NAPAKALAKING tulong talaga sa industriya ng pelikulang Pilipino ang Movie Workers Welfare Foundation (Mowelfund). Ito ang napag-usapan namin ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada.
Kamakailan ay ipinagdiwang ng Mowelfund ang ika-37 taon ng operasyon at mga serbisyo nito. Guest of honor sa anniversary celebration si dating President Erap na siyang founder at Chairman Emeritus ng nasabing foundation
Aniya, mula nang itinatag ang Mowelfund noong 1974, aktibo itong tumutulong sa mga movie industry worker laluna sa pamamagitan ng assistance program para sa kanilang hospitalization, surgery, medical reimbursements, death benefits, pati rin sa livelihood, alternative income opportunities at housing projects. Sa ngayon aniya ay umaabot na sa 4,500 ang bilang ng mga benepisyaryo nito.
Sa nasabing selebrasyon ay naglunsad pa muli ng panibagong livelihood project ang Mowelfund sa pamamagitan ni Executive director Boots Anson-Roa kung saan ang mga movie industry worker ay puwedeng magkaroon ng dagdag na kita at maliit na negosyo bilang ticket dealer o ticket agent ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang major partner ng foundation.
Ilan pa sa nakalinyang malalaking proyektong isasagawa ng foundation ngayong taon ay ang “Celebrity Bowling Fest,” gayundin ang komemorasyon ng “92nd founding anniversary of Philippine movies by Jose Nepomuceno,” ang “1st Dubai Filipino Film Festival,” at ang pagpapatuloy ng regular na pagdaraos ng film showing, lectures at film courses sa iba’t ibang bahagi ng bansa laluna sa mga probinsiya.
Malaki na ang naitulong ng foundation sa mga movie industry worker at sa kabuuan ng Filipino film industry, at marami pa itong magagawang mga positibong proyekto at programa sa hinaharap. Inaasahan natin na magpapatuloy pa ang napakagandang operasyon at mga serbisyo nito laluna nga sa pamamagitan ng mahusay na panga-ngasiwa ng mga pinuno nito.
Mabuhay ang Mowelfund! Mabuhay ang mga movie industry worker!
Mabuhay ang industriya ng pelikulang Pilipino!
- Latest
- Trending