PUMUTOK nu’ng nakaraang linggo ang entertainment news sa Sydney. Sinibak sa ilalabas pa lang na Australian reality-TV show ang kilalang interior designer Analisa Josefa Hegyesi dahil sa kontrobersiya. Anak umano siya ni dating diktador Ferdinand Marcos. Dahil sa item, nahalungkat ang isa pang ulat nu’ng Oktubre 2004 tungkol kay Evelin Hegyesi, ina ni Analisa. Umano, edad-19 nu’ng dekada-70 si Evelin, bikini at Playboy magazine model, nang ibahay ni Marcos. Nang isilang si Analisa, naglipat umano si Marcos ng milyon-milyong dolyar kay Evelin, at bahagi nito ay mga Swiss bank accounts.
Napapanahon ang dalawang news item. Sinasaad sa una na hindi dapat sisihin ang anak sa kasalanan ng magulang. Ipinaalala ng ikalawa na marami pang nakaw na yaman si Marcos na hindi pa nasosoli sa mamamayang Pilipino.
Lalong nagiging newsworthy ang Marcos wealth dahil sa pagbabalik ng angkan sa poder. Congresswoman ang asawa niyang si Imelda, senador ang anak na lalaking si Bongbong, at governor ang isa pang anak na babaeng Imee. Hindi lang yon, humihirit pa si Bongbong tungkol sa kasaysayan. Ika niya nu’ng Pebrerong selebrasyon ng ika-25 anibersaryo ng People Power Revolt, sana ay mala-Singapore na ngayon ang Pilipinas sa kaunlaran kung hindi pinatalsik si Marcos nu’ng 1986. Binuhay din ni Bongbong ang dating panukalang ilipat na ang labi ni Marcos sa Libingan ng mga Bayani, na kinatigan ng 190 kongresista.
Tatlumpu’t siyam na taon mula nang ipataw ni Marcos ang batas militar nu’ng 1972. Isang henerasyon na ang lumipas. Nakararaming kabataan ang hindi nakakaalam ng kahayukan sa yaman at kalupitan sa kapangyarihan na umiral sa ilalim ng diktadurya. Sana mabalik-aralan.
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: jariusbondoc@workmail.com