SAKLOT ng takot ang mga residente ng Bgy. Tenok sa Maguindanao nang sumalakay ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at makasagupa ang mga tauhan naman ni Maguindanao governor Ismael Mangudadatu. Nag-evacute na ang mga tao upang hindi madamay sa labanan ng dalawang grupo na pinaniniwalaan namang labanan ng mga angkan sa lugar. Pero sinabi ni Mangudadatu na inambus ang kanyang mga tauhan na mag-iinspeksiyon ng ginagawang kalsada sa lugar. Walo ang namatay sa ambush. Ayaw umanong magkaroon ng kalsada ng MILF sapagkat tatamaan ang kanilang kuta. Itinanggi naman ng MILF na may nangyaring pag-ambush.
Sinasabi naman ng military na awayan sa pagitan ng dalawang angkan ang nangyayari sa Bgy. Tenok. Pamilya Mangudadatu laban sa pamilya ng MILF commander Tauting Salendab. Bawat pamilya umano ay may hangad na mamuno sa lugar. Umano’y si Salendab ang namuno sa 50 MILF guerilla sa pagsalakay sa barangay at nagkaroon nang matinding bakbakan laban sa 100 tagasunod ni Mangudadatu. Nabalot ng sindak ang mga residente at parang mga daga na hindi malaman kung saan magtatago sa takot na tamaan ng bala.
Sabi ng military, nahihirapan umano silang matukoy kung sino ang mga responsible sa nangyayaring engkuwentro sapagkat kapag nagtungo sila roon ay tumitigil ang labanan subalit pag-alis nila ay nagbabakbakan na naman.
Ang higit na kawawa ay mga residente na matagal nang nakararanas ng kaguluhan. Hindi na sila nakatikim ng kaginhawahan. Noong ang Ampatuan family ang nasa poder, mahirap at magulo ang kanilang lugar at ngayong bago na ang governor doon, wala pa ring ipinagbago.
Namamayani pa rin ang karahasan sapagkat may sari-sariling private army ang mga naglalaban. Ang batas pa rin ng baril ang pinaiiral na nagbibigay ng takot sa mamamayan. Nakilala ang Maguindanao na magulong lugar dahil hanggang ngayon ang minasaker na 57 katao roon noong Nob. 23, 2009 ay hindi pa nalulutas.
Kailan nga kaya tatahimik sa Maguindanao?