EDITORYAL - Bawal Plastic
MAAARI namang mabuhay na walang plastic. Bakit ba noon walang plastic bags at mga bag at basket na yari sa papel, buli, uway at kawayan ang ginagamit na lalagyan ng binili pero nabubuhay nang maayos ang mga Pilipino. At tingnan n’yo kung may grabeng pagbaha na nangyayari noon. Wala. Ngayon, hindi lamang tubig ang bumabaha sa pamayanan kundi mga bagay na gawa sa plastic, particular ang mga shopping bag. Nang bumaha noong 2009 dahil kay Ondoy, napakaraming plastic bags ang nakuha sa isang subdibisyon sa Marikina. Ang mga bahay ay napuno ng plastic.
Ang Manila Bay na sikat na sikat dahil nakikita rito ang magandang paglubog ng araw, ngayon ay sikat dahil sa naglutangan na mga plastic na basura. Nasalaula na ang Manila Bay. Nang manalasa sa Metro Manila ang bagyong “Milenyo” noong Set-yembre 29, 2006, sandamukal na basura ang iniluwa ng Manila Bay sa Roxas Blvd. Ilang garbage truck ang basura. Ilang bagyo pa ang nagdaan sa Metro Manila at pawang basurang plastic ang iniluwa ng dagat. Ibinalik ng galit na dagat ang itinapon ng tao. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang mga walang disiplina sa pagtatapon ng kanilang basurang plastic.
Ang pinakamagandang solusyon ay ang ganap na pagbabawal sa paggamit ng plastic bags. Kung wala nang gagawa ng plastic bags, wala nang gagamitin ang mga tao at maaaring bumalik sa dating ginagamit na mga paper bag at mga hinabing uway at kawayan.
Kung maaaprubahan ang panukalang batas ni Sen. Loren Legarda na nagbabawal sa paggamit ng plastic bags sa buong bansa, maaaring wala nang matitinding baha na maranasan sa Metro Manila. Isinusulong ni Legarda ang Senate Bill 2759 na nag-uutos sa groceries, supermarkets, public markets, restaurants, fast food chains at mga department stores na huwag gumamit ng plastic bags. Si Legarda ang pinuno ng Senate committee on Climate change. Ayon kay Legarda, ang batas ay naglalayong mawala ang pollution at maprotektahan ang kalikasan. Ayon sa senador ang mga plastic ang nagbabara sa mga daluyan ng tubig. Hindi nabubulok ang mga ito kahit dekada ang lumipas. Sinisira rin ng mga basurang plastic ang marine life kapag natapon sa dagat.
Ang batas ni Legarda ang kailangan para matikman ang buhay na walang plastic. Simulan na ang buhay na ito.
- Latest
- Trending