SEVENTY four billion pesos! Ito ang price tag ng pagbili ng PLDT sa kompanyang DIGITEL, ang may ari ng SUN Cellular Communications. Noong Marso, kumalat na parang sunog ang balita ng pagsasanib ng dalawa sa pinakamalaking telecommunications company sa bansa. Ngayon iisang grupo na lang ang magmamay-ari ng SMART, PILTEL (Talk N’Text), CURE (Red Mobile) at DIGITEL (Sun Cellular).
Para sa mga subscriber, hati ang reaksyon. May natutuwa dahil mas lalawak ang network na tatakbuhan ng SUN (translation: Mababawasan na ang dead spot); meron din namang nag-aalala dahil katapusan na ito ng maapog na pag-alok ng SUN ng bagsak presyong deal sa publiko. Lipunan mismo ay nagkakamot ng ulo. Hindi ba delikado ang ganitong pagsentro ng kapangyarihan sa iisang kumpanya? Ano na lang ang mangyayari sa benepisyong hatid ng masiglang kumpetisyon ngayong pinatay na ang kumpetisyon?
Ang muling sumigla tuloy ay ang debate para sa batas laban sa monopolya at unfair competition sa bansa – ang Anti-Trust Law kung tawagin. Hindi lang naman sa Telecommunications nakikita ang pagpatay sa mas maliit na negosyo. Sa mga Malls ng SM, Ayala, Robinsons at Megaworld; sa mga TV networks; sa property developments atbp. Best example ang anumang SM mall na pasukin: May mahahanap ka bang ATM ng pera na hindi Banco De Oro (na pag-aari din ng pamilyang Sy ng SM?) Ang mga negosyanteng nais magtayo ng stall o tindahan, halos wala nang kikitain dahil sa laki ng porsyento ng landlord.
Mga maliit na halimbawa lamang ito ng perwisyo sa maliit na consumers kapag hinayaang makuntrol ng iisa o iilang player ang Mercado, lalo na sa mga negosyo na naghahatid ng serbisyo sa publiko. Panahon na upang pag-usapan ng ating mga kinatawan ang remedyo sa ganitong mga kombinasyon na tutuklaw sa atin sa huli. Sa ngayon ay hindi pa naman sila inutil sa harap ng ganitong lantarang kasakiman. Ayon sa PLDT website, approval ng NTC, SEC at PSE ang kaila-ngan sa deal na ito. Ang nakalimutan nila ay nariyan at naghihintay ang mga Kongresista at Senador na kailangan ding mag-approve bago matuloy ang bentahan. Sila ang huling linya ng depensa ng taong bayan – ang de facto Anti-Trust Law ng bansa.