Kapakanan ng househelpers
ANG kapakanan ng househelpers ay patuloy na isinusulong ng aking anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada. Bahagi nito ang pinagtibay ng senado sa ikatlo at huling pagbasa na Senate Bill Number 78, o “Househelpers Additional Benefits and Protection,” na pangunahin niyang iniakda. Ito ay mula sa kanyang naunang inihain noong nagdaang 14th Congress na Senate Bill 1662, o “Freedom Charter for the Household Workers.”
Layon ng naturang panukala ang pag-angat at pag-professionalize ng pagtatrabaho ng househelpers, maid, cook, houseboy, family driver at yaya, gayundin ang pagtitiyak ng proteksiyon at maayos na pasuweldo at benepisyo para sa kanila. Itinatakda nito ang P2,500 na minimum na buwanang pasahod sa mga househelper sa Metro Manila; P2,000 sa mga nasa chartered cities at first class municipalities, at P1,500 sa mga nasa third class municipalities.
Kabilang din sa probisyon ng panukala ang pagkakaroon ng written employment contract sa pagitan ng mga househelper at kanilang employer kung saan ay nakasaad ang kanilang period of employment, buwanang suweldo, annual salary increase, mga tungkulin at responsibilidad, pati rin ang kanilang working hours at day-off schedules, living quarter at iba pa nilang karapatan. Inoobliga rin ng panukala ang mga employer na ipaghulog ang kanilang househelper sa Social Security System (SSS) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay Jinggoy, ang naturang hakbangin ay bahagi ng kanyang pagpupursige na maiangat ang kabuhayan at kabuuang kalagayan ng mga househelper, kasabay ng pagbibigay sa kanila ng mga benepisyo at pagpapahalaga. Ito rin aniya ay bilang pagtalima sa mga napagkasunduan sa mga international labor-related convention at treaty kung saan ay kabilang ang Pilipinas sa mga signatory.
Nawa ay tuluyan nang maging batas ang panukalang ito ni Jinggoy kung saan ay milyong househelper ang makikinabang.
- Latest
- Trending