Pagtitipid talaga ang kailangan
WALANG ibang solusyon sa umiiral na krisis sa ener- hiya kundi ang magtipid. Ikaw, ako, tayong lahat. Nag-aaklas na ang sector sa transportasyon dahil sa napakataas na’ng halaga ng petrolyo.
Inaprobahan na ni Presidente Aquino ang P500 mil-yong subsidiya sa langis para sa pampublikong transportasyon puwera mga bus dahil may provisional increase nang inaprobahan sa pasahe para sa mga ito. Pero ito’y sa loob lang ng isang buwan at duda ako kung may pondo ang gobyerno para gawing pangmatagalan ito. Sa harap ng mga kaguluhan sa Gitnang Silangan, lahat ng mga bansa, kahit yung pinakamaunlad ay apektado. Hindi lang dapat gobyerno ang humanap ng solusyon kundi pati tayo.
Hindi lang mga ahensya ng gobyerno ang dapat magtipid. Pati tayong mamamayan ay obligado nang magbawas sa konsumo ng petrolyo at elektrisidad.
Ani Exec. Sec. Paquito Ochoa, mayroong Government Energy Management Program (GEMP) na nag-aatas sa lahat ng empleyado ng gobyerno na magtipid sa koryente sa kani-kanilang opisina.
Tama. Leadership by example ang kailangan. Simulan ng gobyerno at susunod ang mga mamamayan. Inatasan ni Ochoa si Herminio Alcasid, Sr., Chairman ng Energy Audit Team, na magharap sa Office of the President ng summary accomplishment report, gayundin ng mga hakbang na dapat gawin para isaayos o susugan ang umiiral na balangkas ng GEMP.
Kasabay ito ng panawagan ng Executive Secretary sa publiko na tumulong sa kampanya ng pagtitipid sa enerhiya “dahil ang maingat na paggamit ng enerhiya ay dapat gawin ng bawat isa dahil ang lahat din naman ang makikinabang dito.”
“Ang pagtutulungan ay kailangan para lutasin ang isang pambansang isyu na tulad ng enerhiya.
Gawin sana nating lahat ang kahit pinakamaliit na pagtitipid ng koryente at panggatong dahil ang maliliit na natipid, kapag pinagsama-sama ay lumalaki, kagaya ng pagpatay ng mga ilaw kung hindi ginagamit o carpooling kaya na malaking tulong para mabawasan ang konsumo ng kuryente at gasolina,” aniya.
- Latest
- Trending