HINDI tiyak kung kelan at saan nagmula ang tradisyong April Fools Day ng Kanluran. Alam lang nang marami, dapat mag-ingat sa araw na ito, April 1, kasi baka mabiktima ng practical joke: Mautangan na wala nang bayaran, mauto na gumawa ng kahihiyan, o magawang katatawanan.
May kuwento na nu’ng 1582, nang ipatupad ni Pope Gregory XIII ang bagong kalendaryo mula lumang Julian Calendar, marami sa France ang nalito. Sinimulan pa rin nila ang taon nang April 1 imbis na January 1, kaya tinawag silang hibang. Isa pang bersiyon ay ang ulat ni batikang English poet Chaucer sa Canterbury Tales (1392) na lihim na nagpakasal sina King Richard II at Anne of Bohemia nu’ng March 32nd, o April 1st. Anang iba, may kinalaman ang April Fools sa vernal equinox, araw sa summer kung kailan eksaktong magkasing-haba ang liwanag at gabi.
Ano man ang paliwanag, inugali ng malalaking media outfits na “manloko” sa araw na ito. Nu’ng 1957 inulat ng BBC News malago ang ani ng spaghetti sa Switzerland. May video pa ng mga magsasakang Swiso na “umaani” ng spaghetti. Isang tambak na manonood ang tumawag para bumili ng punla ng spaghetti. Sa Sweden nu’ng 1962, nang puro black-and-white pa ang TV, inanunsiyo na magiging colored ang palabas kung magsuot ng nylon stockings sa ulo. Nag-demonstrate pa ang announcer kung paano ito isuot. Maraming naniwala at gumaya.
Isang matinding “panlilinlang” ay hindi April 1, kundi October 30, bisperas ng Halloween trick-or-treat, sa America. Radyo ang usong home entertainment nu’ng 1938. Isina-drama ni actor Orson Welles ang fiction novel War of the Worlds ni H.G. Wells, tungkol sa mga taga-ibang planeta. “Parating na ang Martians,”sigaw ni Welles. Milyon-milyong Amerikano ang natakot, at nagsisigaw na lumabas sa kalye.
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).Lumiham sa: jariusbondoc@workmail.com.