Talangka

HINDI talaga maiwasan ang utak-talangka ng mga ibang tao. May mga nabasa akong pahayag at komentaryo na sobra-sobra naman daw ang binibigay na pansin sa football team na Azkals. Malalaki na raw ang ulo, hindi na raw nabibigyan ng pansin ang ibang sports, dahil puro Azkals na lang ang laman ng balita. May mga pintas na hindi naman lahat “purong” Pilipino na manlalaro, at ang kinakalaban ay mga mahihinang team. Hindi pa nagtatagal ang Azkals, binabatikos na. Pilipi-   no nga naman!

Noong nanalo si Efren “Bata” Reyes sa kanyang unang world championship sa Nine-ball billiards, may nagreklamo ba na puro siya na lang ang laman ng balita? May nagreklamo ba sa mga nag-usbungan na bilyaran sa bansa, na ang isang kilalang larong-kanto ay larong-sosyal na? May nagreklamo ba na puro Pacquiao na lang ang laman ng balita noong maglaban sila ni Barrera? Ilang boxing na gym din ang nag­bukas matapos nito. Nasaan ang bilyar, bago si Reyes? Na­saan ang boxing, bago si Pacman? Ganun din ang football. Pinapansin ba ang football bago ang Azkals?

Bakit hindi na lang tayo magpasalamat na may bagong sport na nahihiligan ang mga Pilipino. Bakit minamaliit ang nagawa ng Azkals? Tinalo nila ang Vietnam na kilalang ma­lakas sa football. Sa pagkadismaya ng coach ng Vietnam, siniraan at pinintasan ang Azkals. Hindi nakipagkamay sa Azkals! Ganun din ba ang ilang “eksperto” natin diyan?

Ipinagmamalaki ko ang Azkals ng Pilipinas! Oo nga, malayo pa ang kanilang biyahe sa mga mas malalaking liga, tulad ng Asia o ng World Cup. Sa Asia lang, napakahirap na ng mga makakalaban gaya ng Japan at Korea, na parehong nakakapasok sa World Cup. Pero lahat naman nag-uumpisa sa maliliit na hakbang. Kung madapa, bumangon at tumakbo muli. Kung todo ang suporta sa football ngayon, masama ba iyon? Kung sa tingin ng iba ay masyadong binabandera ang Azkals, humanap ng puwede pang i-banderang sport! Sa totoo lang, kulang ba ang atensyon sa basketball? Hintayin nating magsimula ang UAAP, basketball na naman ang paksa ng lahat!

Totoo na ang pinaka-masakit na salita ay manggagaling sa mga kababayan. Imbis na iangat ang football at Azkals, hinihila pababa. Paano aasenso ang sports sa bansa, kung ang mga nananalo ay “sinisiraan”? Talangka, di ba?

Show comments