Ang laban ng mga asawa

AYON sa Art. 88 New Civil Code, Art. 49 Family Code, upang mapangalagaan ang katatagan ng kasal sa Pilipinas, hindi puwedeng basta magkasundo lang ang mag-asawa na ipapawalambisa ang kanilang kasal o kaya naman ay basta aminin na tama ang petisyon at payagan basta ng korte.

Ang istorya ni Andy at dalawang asawa niya na sina Cora at Fely ay may kinalaman sa patakarang ito.

Si Andy, US veteran ay mula sa isang probinsiya sa norte. Noong 1927, nagpakasal sila ni Cora at isang ministro sa Malate, Manila ang nagkasal sa kanila. Pagkatapos ng sere­monya, binigyan sila ng marriage certificate. Kaya lang, hindi lumabas sa kahit anong ahensiya ng gobyerno ang kopya ng nasabing kasamiyento ng kasal. Wala rin anumang rekord na nagpapatunay na awtorisadong magkasal ang ministro. Matapos magsama nang matagal na panahon, iniwanan ni Andy si Cora at bumalik sa kanyang probinsiya.

Makalipas ang 25 taon, nagpakasal muli si Andy kay Fely, isang titser sa kanyang bayan. Sa huwes sila nagpakasal. 

Nang malaman ni Cora na kasal na sina Andy at Fely, nagpetisyon siya upang mapawalambisa ang kasal dahil una silang ikinasal ni Andy at katunayan nito ay ang kasamiyento ng kasal na ibinigay ng ministro sa Malate. Nilabanan nina Andy at Fely ang petisyon at kinuwestiyon kung awtorisado nga ang ministro ng Malate na magkasal dahil wala naman anumang rekord na lumalabas tungkol dito. Sa resolusyon ng petisyon, nagkasundo sina Cora at Fely sa detalye ng kanya-kanyang kasal (stipulation of facts), pagkatapos ay hiningi nila sa korte na iresolba ang petisyon. Maaari ba ito?

Oo. Ang dahilan kung bakit may batas na nagbabawal sa pagkakasundo ng mga partido sa detalye ng kaso sa pagpapawalambisa ng kanilang kasal ay para siguraduhin na hindi magkaroon ng sabwatan sa dalawa. Sa kasong ito, imposibleng magkaroon ng sabwatan dahil magkakontra ang interes ng dalawang asawa ni Andy. Isa pa ang marriage certificate na kasama bilang ebidensiya ay hindi maituturing na parte lang ng detalyeng napagkasunduan. (Cardenas vs. Cardenas & Rinen, 98 Phil. 73).

Show comments