NAGBABABALA ang Tsina sa Pilipinas. Ang pag-e-explore daw ng gobyerno natin ng langis sa Reed Bank ay panghihimasok sa kanilang teritoryo. Itigil daw ang exploration para walang masamang mangyari. Ito’y matapos umakma ang dalawang naval gunboats ng Tsina na babanggain ang exploration ship ng Pilipinas sa karagatan 150 kilometro mula Palawan. Ipinabugaw tuloy ng Philippine Air Force sa eroplano ang mga barkong Tsina, at pinabantayan sa Coast Guard ang barkong Pilipinas.
Saan man dalhing korte ang usapin, matatalo ang Tsina. Ang Reed Bank ay bahagi ng Philippine territorial waters, hindi ng Tsina. Sa 1898 Treaty of Paris ng America at Spain, ginuhit ang teritoryo ng Pilipinas. Sakop ang Reed bank sa tinatawag na Luzon Sea. Gan’un din ang Scarborough Shoal sa Zambales at Sabina Shoal sa Palawan, na tinangka ng Tsina tayuan ng military installations nu’ng dekada-2000. Sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea, lalong sakop ng Pilipinas ang Reed Bank. Ito’y dahil nasa loob ang pook ng 200-mile exclusive economic zone ng Pilipinas mula sa pinaka-kanlurang lupa.
Kuwento-kuwento at kayabangan lang ang batayan ng claim ng Tsina. Kesyo raw noon pang sinaunang panahon ay bahagi na ng karagatan nila ang Reed Bank, batay sa mga mapa ng emperador sa Beijing. At kamakailan ay itinakda ng National People’s Congress na ang buong South China Sea ay territorial waters nila. Pero kahibangan ang mga mapa na ipinakikita. Kung pagbabatayan ang mga ito, pati Palawan at ang Sulu Sea sa silangan nito hanggang Negros ay inaangkin ng Tsina.
Malakas lang ang Tsina ngayon, kaya mainit na dinadaan sa laki ang territorial claims. Pero may araw din ito!
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: jariusbondoc@workmail.com