NAKAKABAHALA ang statistics ng Professional Regulation Commission. Isa lang sa bawat tatlong college graduates ang kuwalipikado sa pinag-aralang propesyon. ‘Yung dalawa, bagsak sa licensure examinations. Inanunsiyo ito ng Commission on Higher Education para ipaalam ang pambansang suliranin sa edukasyon.
Nu’ng 2009, 36.09% lang ng 415,190 graduates ang pumasa sa iba’t ibang board exams. Hindi ito naglalayo sa resulta nu’ng 2008: 38.67% lang ng 390,378 examinees land ang pumasa.
Apatnapu’t apat na kurso ang sinuri, kabilang ang medicine, engineering, education, at science and technology. Pinaka-grabeng paglubog sa engineering. Sa aeronautics 27.37% lang ang pumasa nu’ng 2009, mula 43.88% nu’ng 2008. Sa electronics and communication 25.17% nu’ng 2009, mula 35.82% nu’ng 2008. Sa naval architecture walo lang sa 41, o 19.51% nu’ng 2009, mula 31.25% nu’ng 2008.
Madalas mapabalita ang nursing board results: Hindi lumalampas sa kalahati ng daan-libong nag-e-eksamen tuwing Hunyo at Disyembre.
Sa huling bar exams, 982 lang, 19.59% ng 5,012, ang pumasa.
Malinaw sa statistics na bumababa ang kalidad ng college education. Dapat higpitan ng CHEd ang pagpepermiso ng mga kolehiyo, at isara ang diploma mills na kumakabig lang ng tuition pero walang naituturo sa mag-aaral. Inamin ni CHEd chairwoman Patricia Licuanan na “Kahit sino na lang ay nagbubukas ng eskuwelahan.”
Bukod du’n, ani Licuanan, pagbubuklurin ng CHEd sa “systems” ang mga kurso ng mahuhusay na kolehiyo at pamantasan. Tulad ng sa pinagsanib na computer sciences ng Ateneo, La Salle at U.P., ito’y para magkatulungan sila sa pagtaas ng antas ng pagtuturo at pasilidad.
* * *
Makinig sa Sapol, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
E-mail: jariusbondoc@workmail.com.