'Oplan Mabangis' (Talisay Batangas, Drug Raid)
SA bawat operasyong isinasagawa ng BITAG kasama ang mga otoridad, sinisiguro naming nagagampanan ng maigi ang aming papel sa pagdodokumento.
Bawat kilos at galaw, anumang ingay, reaksiyon at emosyon mula sa mga operatiba’t suspek, nagiging laman ng aming mga camera.
Nitong nagdaang Miyerkules, a-23 ng Marso, isang drug raid operation ang isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Brgy. Caloocan, Talisay Batangas.
Sa intel ng PDEA-Special Enforcement Services mula sa asset na lumapit sa PDEA, tatlong pamilya na magkakamag-anak ang siyang pinanggagalingan ng ipinagbabawal na shabu sa buong bayan ng Talisay.
Hindi naging madali para sa mga operatiba ng PDEA-SES kasama ang PDEA Region IV-A at IV-B ang nasabing operasyon.
Mahigit dalawang linggong matiyagang nag-apply ang PDEA ng search warrant. Nagsimula ito sa Manila Regional Trial Court upang sana’y di matimbrehan ang mga suspek.
Subalit tinanggihan ito ng korte ng Maynila dahil sa out of jurisdiction ito. Kayat lumipat sa Batangas RTC ang PDEA, tulad sa Manila RTC, tinanggihan din ito.
Ikatlong pagkakataon ay sa Tanauan RTC, inakala ng PDEA na aprubado na ito dahil ilang araw ding nasa Tanauan ang mga dokumento ng PDEA. Subalit sa huli, release for further investigation ang naging desisyon ng korte.
Sa Quezon City RTC huling sinubukan ng PDEA ang pag-a-apply ng search warrant. Dito, nilagdaan ni acting Execu- tive Judge Fernando Sagun Jr., ang search warrant laban sa mga kuta ng droga sa Brgy. Caloocan, Talisay Batangas.
Bukod sa pahirapang pag-a-apply ng search warrant, malalayo ang bahay ng mga suspek at sobrang lawak na pasikut-sikot ang buong barangay na nagsilbing alas para sa mga suspek na tumakbo at magtago sa PDEA.
Ganunpaman, sa dami ng mga operatiba ng PDEA, nagawang malambat ang mga suspek sa iligal na droga.
May tumalon mula sa bubungan, nagtago sa likod bahay, umikot sa buong barangay upang makatakbo sa otoridad. Eto ‘yung ilan sa mga eksenang natural na lamang tuwing magkakaroon ng drug raid operation.
Para sa BITAG, anumang operasyon ay may panganib, mapa-maliit man o malaking operasyon ito, tinataya naming may panganib. Nasa paghahanda at kakayahan ng mga operatiba ang katagumpayan at kaligtasan ng bawat trabaho.
Ang papel ng BITAG, magdokumento upang magsilbing mata ng lahat. Para sa kaalaman at ebidensiya, mapapalpak man o magandang resulta, hindi ito lulusot sa aming camera.
- Latest
- Trending