MARAMING commuters ng Metro Rail Transit ang nahintakutan noong Lunes ng umaga. Sino ba naman ang hindi mahihintakutan kung kumalas ang sinasakyang bagon (coach) ng MRT? Nangyari ang insidente habang papalapit ang train sa GMA/Kamuning Station. Ang train ay patungong Taft Avenue at galing sa North Ave. Terminal. Nakita na lamang nakalas ang huling bagon at naiwan. Tinatayang 400 pasahero ang nakasakay sa nakalas na bagon. Makapigil-hininga ang pangyayari na parang sa pelikula lang nangyayari pero totoo. Walang nagawa ang mga pasahero kundi ang bumaba at naglakad patungo sa Kamuning Station. Sa halip na makarating nang maaga sa papasukang trabaho o school, naatrasado na.
Mabuti at wala namang malubhang nangyari kasunod nang pagkalas ng bagon. Marami ang lumutang na katanungan makaraan ang insidente. Hindi ba nagsasagawa ng maintenance checkup ang pamunuan ng MRT sa mga bagon? Hindi ba’t bago ibiyahe ang anumang sasakyan ay nagkakaroon ng checkup upang masiguro ang kaligtasan ng pasahero?
Noong Pebrero 18, 2011, dalawang tren ng Light Rail Transit (LRT) ang nagbanggaan habang nasa tapat ng SM City North EDSA. Gumagamit umano ng cell phone ang isa sa mga operator ng LRT kaya nagkabanggaan. Mabuti na lang at wala nang pasahero ang dalawang tren kaya walang naireport na nasaktan. Mula nang mangyari ang insidente ay naparalisa ang operasyon ng LRT. Maraming commuters ang apektado at malaki rin ang nalugi sa LRT. Pero ang malaking tanong, gaano kaligtas ang mga pasahero ng LRT habang bumibiyahe lalo pa’t ang operator ay gumagamit ng cell phone. Inilalagay sa panganib ang buhay ng mga pasahero.
Sa nangyari sa MRT na pagkalas ng bagon, ikinatwiran ng mga namamahala na masyado nang luma ang mga bagon ng MRT. Sampung taon na raw ang mga bagon at second hand pa. Ito raw ang posibleng dahilan kaya nangyari ang insidente. Pero nagsasagawa raw sila ng regular check-up dito.
Kung luma na ang mga bagon ng MRT, bakit ibinibiyahe pa? Hindi na dapat ibiyahe kung inaakalang maglalagay sa panganib ng mga pasahero. Igarahe na ang mga ito. Ang kaligtasan ng mga pasahero ang dapat iprayoridad ng pamunuan ng MRT at LRT. Huwag nang hintayin pang may mangyaring malalagim bago itigil ang pagyaot ng mga depektibong bagon.