Pagsubok sa relasyon
DUMADAAN sa matinding pagsubok ang ating relasyon sa China. Tinapos na nila ang kanilang imbestigasyon sa insidenteng hostage-taking sa Quirino Grandstand, kung saan walong Hong Kong tourists ang napatay ni Rolando Mendoza, isang dismayadong pulis-Maynila. At ayon sa kanilang mga nakalap mula sa mga testimonya ng mga nakaligtas sa trahedya, at sa limitadong partisipasyon ng ilang mga taga-Pilipinas, sinisisi nila ang mga opisyal sa trahedya. Halos pareho rin naman daw ng konklusyon ng komite na nag-imbistiga rito, ayon kay Teresita Ang-See na miyembro ng komite. Hindi lang sinundan ang lahat ng rekomendasyon hinggil sa parusa. Matapos ilabas ng Hong Kong ang kanilang mga konklusyon, dineklarang sarado na ang imbestigasyon. Tila lumalabas na tapos na ang lahat ukol sa hostage-taking. Mabuti naman, dahil tuwing lumalabas sa usapin ang insidente, parang mga sugat na pahilom ang binubuksan para dumugo muli.
Nandiyan naman ang insidente ng pang-harass ng isang barko ng China sa isang barko naman ng Pilipinas na gumagawa ng pagsusuri sa may Spratly Islands noong isang buwan. Ang Spratly Islands ay pinagtatalunan ng maraming bansa na umaangkin sa grupo ng mga isla sa may South China Sea. Dahil pinaka-malaking bansa na umaangkin ang China, at sila rin ang may pinaka-malaking numero ng sundalo na sa mga isla, tila sila na ang naghahari sa lugar kahit wala pang opisyal at pinal na desisyon kung sino talaga ang may karapatang angkinin na ang mga isla. Ito ang matagal nang problema na wala pang linaw, kaya tuwing nabubuksan ang usapin dito, tensyonado lagi ang China at Pilipinas.
At ang balita na itutuloy na ang pagbitay sa tatlong Pilipinong nahulihan ng illegal drugs. Nagkaroon ng pag-asa ang lahat nang hindi tinuloy ang kanilang pagbitay noong Pebrero. Akala ay gagawing panghabambuhay na kulong na lang ang parusa, pero nagulat na lang ang lahat nang i-anunsyo na bibitayin na sa Marso 30. Hindi ko alam kung makikinig pa ang China sa mga apela ng lahat, dahil humingi na ng pag-unawa ang ambassador ng China sa Pilipinas ukol sa gagawing pagbitay. Magdasal na lang tayong lahat na lumambot pa rin ang puso ng mga opisyal sa China, at ikulong na lang ang mga kababayan natin para sa kanilang mga krimen.
- Latest
- Trending