AYON sa Art. 88 New Civil Code, Art. 49 Family Code, upang mapangalagaan ang katatagan ng kasal sa Pilipinas, naglagay ng probisyon na hindi magkakaroon ng desisyon na nagpapawalambisa sa kasal base lang sa inilahad ng magkabilang panig o kaya naman ay base lang sa inamin sa kaso. Ibig sabihin nito, hindi puwedeng basta magkasundo lang ang mag-asawa na ipapawalambisa na nila ang kanilang kasal o kaya naman ay basta aminin na tama ang petisyon at payagan basta ng korte.
Ang istorya ni Andy at mga asawa niyang sina Cora at Fely ay may kinalaman sa patakarang ito. Si Andy ay galing sa probinsiya sa norte, isa siyang US veteran. Noong 1927, sila ni Cora ay humarap sa isang “minister” sa Malate, Manila na nagkasal sa kanila. Pagkatapos ng seremonya ng kasal, binigyan sila ng marriage certificate bilang katibayan na kasal na sila. Kaya lang, hindi lumalabas sa kahit anong ahensiya ng gobyerno ang kopya ng nasabing kasamiyento ng kasal. Wala rin anumang rekord na nagpapatunay na awtorisadong magkasal ang ministro. Matapos magsama nang matagal na panahon, iniwanan ni Andy si Cora at bumalik sa kanyang probinsiya.
Matapos ang 25 taon, muling nagpakasal si Andy. Si Fely naman na isang titser sa kanilang bayan ang kanyang pinakasalan sa huwes.
Nang malaman ni Cora na kasal na sina Andy at Fely, nagpetisyon siya upang mapawalambisa ang nasabing kasal dahil sa una nilang kasal ni Andy at katunayan nito ay ang kasamiyento ng kasal na ibinigay ng ministro sa Malate. Nilabanan nina Andy at Fely ang petisyon at kinuwestiyon kung talaga nga ba na awtorisado ang ministro ng Malate na magkasal dahil wala naman na anumang rekord na lumalabas tungkol dito. Sa resolusyon ng petisyon, nagkasundo sina Cora at Fely sa detalye ng kanilang kanya-kanyang kasal (stipulation of facts), pagkatapos ay hiningi nila sa korte na iresolba ang petisyon. Maaari ba ito?
Oo. Ang dahilan kung bakit ipinagbabawal ng batas ang pagkakasundo ng mga partido sa detalye ng kaso pagpapawalambisa ng kasal, ay para siguraduhin na hindi magkaroon ng sabwatan sa dalawa. Sa kasong ito, imposibleng magkaroon ng sabwatan dahil magkakontra ang interes ng dalawang asawa ni Andy. Isa pa ang marriage certificate na kasama bilang ebidensiya ay hindi maituturing na parte lang ng detalyeng napagkasunduan sa tinatawag na “stipulation of facts”. (Cardenas vs. Cardenas & Rinen, 98 Phil. 73).