Kita-kits sa Kongreso
TULAD ng nararapat, sa Kongreso magkakaalaman ng kung anong landas ang tatahakin ng Pilipino sa susunod na anim na taon. Bilang mga direktang kinatawan ng tao, sila ang magpapasya ng kung gaano kataas ang kaya nating abuting antas ng maganda at matuwid na pamamahala. Sa Kongreso hinabilin ang pagkatha ng programa at palatuntunan. Ang Presidente ay tagapagpatupad lang,
Daang matuwid ang bukambibig ni P-Noy. Tiwala tayo na kaya itong pangatawanan ng anak ni Cory Aquino. Napakagandang regalo kay P-Noy ng overwhelming impeachment vote sa House bilang sagot sa kanyang panawagan. At ngayon lang masasaksihan ang transmittal ng articles of impeachment sa Senado na dinaan sa tamang proseso. Nang mangyari ito sa Estrada transmittal, nasalaula ang proseso na may kasama pang bastusan ng dasal.
Ngayon ay nasa mas malaking Kamara na. Ilang tulog na lang at umpisa na ng “paglilitis”. Sadyang tinakda ng Saligang Batas na ang kaisa-isang Sanggunian ng mga pambansang halal na opisyal ang huhusga sa iilang impeachable officers ng national government. Tanging si Senadora Miriam Defensor Santiago ang may nauna nang karanasan bilang huwes. Mayorya ng Senador ay walang law degree ngunit bilang mga mambabatas ay nauunawaan nila ang delikado at sensitibong panga-ngailangan ng posisyon na mahistrado ng impeachment. Mas may diskresyon pa nga ang ibang hindi abogado – di tulad ng attorney na si Sen. Kiko Pangilinan na hindi maawat ang sarili at inunahan na ng panawagan kay Ombudsman Gutierrez na magbitiw sa puwesto.
Ang halimbawa ni Sen. Kiko ay nagpapatunay lang na subukan mo mang bihisan ang impeachment process na mag-anyong paglilitis, sa huli ay hindi pa rin maipagkakaila ang tunay na kulay nito bilang prosesong pulitikal. Lahat ng pag-aasta ng mga senator judges sa darating na televised hearings ay kalkulado upang mapiga nang husto ang sitwasyon para sa sariling interes imbes na sa usaping guilty or not guilty.
Sana lang, kahit pa maiba ang tunay nilang agenda, hindi nila malimutan na nakasalalay sa kanilang mga kamay ang direksyong susundan natin. Kung sila’y maghigpit lang, lalo sanang tutuwid ang daan.
- Latest
- Trending